ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 4, 2023
Kasalukuyang nakatutok ngayon ang Department of Health (DOH) hinggil sa ulat na mayroong pagtaas ng kaso ng mga pasyenteng dinadala sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa sakit na pneumonia.
Kasunod ito ng sunud-sunod na pagkalat ng nararanasan ng ating mga kababayan na bigla na lamang nagkaroon ng ubo, lagnat, sipon at pananakit ng kasu-kasuan na pangunahin pa ring dahilan ay ang hindi mapigil na pagkakahawa-hawa.
Hindi naman tayo dapat maalarma ngunit mabuting sa maagang panahon ay magkaroon tayo ng paghahanda lalo pa at paparating ang sunud-sunod na mga Christmas party na ayon sa DOH ang kumpulan ng maraming tao ay pangunahing sanhi ng pagkahawa.
Ayon sa kagawaran, hinihintay umano nila ang report ng PGH kung sanhi ito ng mycoplasma pneumoniae dahil hindi pa umano sapat ang kaalaman ng ating mga kababayan hinggil dito at wala pang nagpapa-test.
Tinawag ng DOH bilang ‘walking pneumonia’ ang naturang sakit dahil hindi umano aakalain ng isang tao na na-infect na at mayroon pala siyang pneumonia habang patuloy pa ring pumapasok sa trabaho ang tinamaan nito.
Ang isang infected ay wala halos nararamdaman, maliban sa ubo, sipon at lagnat, at kaya namang magtrabaho kung tutuusin ngunit, hindi niya alam na siya ay infected at maaari nang makahawa lalo na sa mga nakakasalamuha niya.
Karaniwang nakukumpirma kung infected ang isang indibidwal o mayroon nang mycoplasma pneumoniae ay sa pamamagitan ng X-ray ngunit dahil sa hindi pa ganoon kalawak ang impormasyon hinggil dito ay hindi ito masyadong napagtutuunan ng pansin.
Inamin ng ahensya na nagkakaroon na ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng kaso ng pneumonia sa China at Netherlands dahil sa mycoplasma pneumoniae na bukod sa ubo, sipon at lagnat ay nakararanas na rin ng hirap sa paghinga at pananakit ng dibdib.
Kaugnay nito, hinihikayat ng DOH ang publiko, lalo na ang bulnerableng sektor, na patuloy na magsuot ng face mask habang hinihintay ng ahensya ang karagdagang impormasyon hinggil sa ‘walking pneumonia’.
Kasabay din nito ay nanawagan si DOH Undersecretary Eric Tayag na puwede nang pumila ngayon ang mga senior citizen para sa libreng bakuna laban sa influenza sa mga health center at kung wala pang bakuna ay manatiling nakasuot ng face mask.
Nauna rito, ibinunyag ng DOH ang pagtaas ng kaso ng mga sakit na kahalintulad ng influenza base sa kanilang monitoring. Sumirit din ang mga kaso ng respiratory illnesses dulot ng pathogen mycoplasma pneumoniae sa mga bata sa China.
Ipinaliwanag ni Tayag na ang mycoplasma pneumoniae ang nagiging sanhi ng tinatawag na ‘walking pneumonia’ dahil kapag isinalang umano sa X-ray ang isang tao na positibong infected na ay maaari pa rin itong makapaglakad at parang walang nararamdaman.
Sa ngayon, hindi pa maituturing na matindi ang sakit na ito dahil hinihintay pa umano ang mga karagdagang impormasyon at mga detalye mula sa mga bansang meron na nito gaya ng China.
Hindi pa rin umano maipaliwanag ng DOH kung bakit dumarami na ang mga naoospital na may mga ganitong sintomas at hindi rin umano malinaw kung dahil na ito sa mycoplasma pneumoniae o sa mga virus.
Nagbigay naman ng payo ang ahensya sa mga kababayan nating nakararanas ng kaparehong sintomas na sumailalim sa testing sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at iba pang ospital na may kakayahang gumawa nito.
Aminado rin ang kagawaran na sa ngayon ay kakaunti lamang umano sa ating mga kababayan ang nakakaalam na may pagtaas ng daluyong ng kaso ng respiratory illness na ito kaya doble ang kanilang pagsisikap na palawakin ang kamalayan upang makapaghanda ang ating mga kababayan.
Ayon sa paghahambing ng DOH, ang kaibahan umano ng ‘walking pneumonia’ kumpara sa COVID-19 ay nahawa na muna ang isang indibidwal bago mag-umpisa ‘yung ubo, lagnat at iba pa.
Hindi tulad sa mycoplasma pneumoniae na minsan ay umaabot sa tatlong linggo ang nararanasang ubo, at may mga kaso umanong hindi naman grabe ang pag-ubo kaya binabalewala — ngunit kapag sa loob umano ng tatlong linggo ay nakararanas pa rin ng pag-ubo ay posibleng tuberculosis na ito o dili kaya ay meron nang ‘walking pneumonia’.
Sabagay, nakatutok naman dito ang DOH at dahil sa pinaigting nilang monitoring ay wala pa namang pagsirit na nagaganap sa bansa at sakali umanong lumala ang sitwasyon, tinitiyak nila ang kanilang kahandaan.
Pero sa ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga pilosopo na pinagmamalasakitan na eh ay may kakaiba pang opinyon -- mas makabubuting mag-ingat para hindi na tayo mahawa upang hindi na lumungkot pa at makasabay sa masaya nating Pasko!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments