Walang “social distancing” na mga bagyo at pagpapakawala ng tubig sa mga dam, nagpalala sa baha!
ni Ka Ambo - @Bistado | November 15, 2020
Waterworld ang maraming lugar sa Luzon.
Helpless!
◘◘◘
HINDI malakas na hangin ang delikado sa bagyo.
Mas delikado ang walang patid na pag-ulan!
◘◘◘
SA mga magsasaka sa Bulacan, ang pinaghahandaan palagi ay ang tinatawag na “siyam-siyam”.
Ito ay ang 18-araw na walang patid na pag-ulan!
◘◘◘
WALA tayong naranasan na “siyam-siyam”, pero nakaranas tayo ng “limang-sunod” na bagyong walang “social distancing”.
Nagmula ito kay “Ofel”, “Pepito”, “Quinta”, “Rolly” at “Ulysses” — ang nagpabaha sa maraming lugar!
◘◘◘
KAPOS sa aktuwal at praktikal na epekto ng bagyo ang mga weather forecasters.
Ito ang matagal nang ipinakikipaglaban ni Ka Ernie Baron, pero hindi siya nauunawaan ng mga eksperto!
◘◘◘
HINDI ang pagpapakawala ng tubig ng Angat Dam at Magat Dam ang nagpabaha sa Metro Manila, Isabela at Cagayan.
Bumaha sa mga naturang lugar sa mga ulan na tangay ng naunang apat na bagyo.
Basambasa na ang mga bundok — kaya’t nang magpaulan si “Ulysses” ay direkta ito sa kapatagan mula sa kabundukan ng Sierra Madre at Caraballo sa Northern Luzon!
◘◘◘
MAHALAGA ang analisa ng mga sinaunang magsasaka na ikakambal sa analisa ng mga batambatang weather forecaster.
Sinisisi ng mga taga-Marikina an PAGASA dahil hindi sila inabisuhang papalo sa 22.5 meters ang taas ng tubig sa Marikina River.
Ibinintang nila ang mataas na tubig sa Angat Dam at Magat Dam.
Ito ay kamangmangan ng mga LGUs executives!
◘◘◘
NOBYEMBRE na kaya’t inubos na ng mga LGU executives ang kaban ng bayan sa mga ghost purchases, overpriced at payroll padding.
Nakaipon na sila ng campaign fund para sa 2022 elections — kaya’t wala nang calamity fund para sa mga biktima ng baha!
◘◘◘
NAGING extension ng Pacific Ocean ang lambak ng Cagayan Valley sa Isabela at Cagayan.
Hindi sapat ang libu-libong rescuers para masagip ang mga magsasakang nakatira sa kalagitnaan ng malawak na bukirin!
◘◘◘
ANG mga container vans ng palay na ginigiling sa Intercity sa Balagtas-Bocaue area sa Bulacan at ilang lugar sa Calabarzon ay nagmumula sa Cagayan-Isabela area.
Kahit bagsak ang presyo ng palay, walang duda na magkakaroon ng shortage sa “bigas” na nagmumula sa Luzon.
‘Yan na mismo ang krisis na hindi kayang punuan ng imported rice!
◘◘◘
KUNG milyun-milyong obrero ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19, milyun-milyong magsasaka ang magugutom sa loob ng isang taong singkad sa isla ng Luzon.
Paano reresolbahin ito ng Duterte Administration?
◘◘◘
SA estadistika ng NEDA, tanging agricultural sector ang nagsalba sa bansa sa nagdaang 12 buwan ng pandemic.
Pero hindi na ngayon — ang kalamidad bunga ng “limang typhoons” ay siyang magpapalugmok sa nakaluhod nang ekonomiya ng Pilipinas!
◘◘◘
MASISIMOT ang naitatabing salapi ng matitipid na Pinoy ngayong papalapit na ang Pasko.
Sa pagsapit ng Enero, Pebrero at Marso — masasaid na ang bulsa ni “Juan”.
‘Yan na ang aktuwal na krisis — ang mga bodega ay delikadong i-ransack ng mga magugutom!





Comments