ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 11, 2024
Isang simpleng probinsyano ang inyong Senator Kuya Bong Go na nais lamang maglingkod sa ating bayan.
Nakakataba ng puso tuwing may natutulungan tayo, lalo na ‘yung mga buhay na ating naisasalba dahil sa ating hangaring ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga nangangailangan nito.
Ngunit nais ko lang ipaalala na hindi ninyo kailangang magpasalamat sa amin dahil trabaho namin ang tumulong sa inyo. Sa katunayan, kami ang lubos na nagpapasalamat sa inyo dahil nabigyan kami ng pagkakataon na maging instrumento ng Panginoon para magserbisyo sa milyun-milyong Pilipino. Kaya hinding-hindi ko sasayangin ang bawat oportunidad na makatulong sa kapwa sa abot ng aking makakaya.
Hanggang ngayon, naaantig pa rin ang puso ko sa tuwing may lalapit sa akin para magbahagi ng kanilang kuwentong ‘Malasakit’. Bilang halimbawa, noong isang araw, May 7, nakausap ko ang mga mag-aaral mula sa University of the East Political Society na bumisita sa Senado kung saan nakilala ko si Krystelle Morales na may brain tumor ang ama.
Nang makapanayam siya ng aming Malasakit Team, halos hindi mapigil ni Krystelle na maluha. Napakalaki ng hospital bill noon ng kanyang tatay na si Jimbo. Sa awa ng Diyos, at sa tulong ng Malasakit Center na ating isinulong, nagpapagaling na ngayon si Mang Jimbo.
Nakausap ko rin ang college student na si Jaymes Mamorno. Na-diagnose na may stage IV breast cancer naman ang kanyang nanay na si Aida. Dahil daw sa Malasakit Center, nahanapan ng solusyon ang lumobo nilang hospital bill.
Sabi ko nga kina Krystelle at Jaymes, huwag silang magpasalamat sa akin dahil pera naman ng taumbayan iyan, na ibinabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng mas maayos at mabilis na serbisyo. Dapat lang na maihatid sa kanila at sa iba pa nating kababayang Pilipino ang nararapat na serbisyo ng gobyerno.
Sa rami na ng nagpapasalamat dahil sa tulong na naipagkaloob sa kanila ng Malasakit Center, laging naroon ang tuwa sa aking puso na may mga buhay ng Pilipino na nailigtas ng naturang programa, na ating naging inisyatiba upang matulungan ang mga Pilipino — lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa gobyerno.
Instrumento lamang ang inyong Senator Kuya Bong Go sa ating inisyatiba na Malasakit Centers program, na naisabatas sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463 noong 2019. Tayo ang principal author at sponsor nito. Simbolo ito ng ating walang tigil na paglilingkod at malasakit para sa bawat Pilipino.
Layunin nating gawing mas accessible ang serbisyong medikal para sa lahat, lalo na sa ating mga kababayang higit na nangangailangan. Sa naturang programa, pinagsama-sama na sa iisang bubong sa loob ng kuwalipikadong pampublikong ospital ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya na may medical assistance programs para hindi na magpapalipat-lipat ang mga pasyente para makakuha ng tulong medikal mula gobyerno. Sa datos ng DOH, nasa mahigit-kumulang 10 milyong Pilipino na ang natulungan ng Malasakit Centers.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, personal nating sinaksihan ang paglulunsad ng ika-165 Malasakit Center sa bansa na nasa Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center sa Rosales, Pangasinan nitong May 10 kasama ang mga lokal na opisyal at mga kinatawan ng DOH, PCSO, DSWD at PhilHealth. Nakasama rin natin si Agrarian Reform Sec. Conrado Estrella III na tubong Pangasinan din.
Bilang adopted son ng Pangasinan, masaya akong nabigyan ng oportunidad na makapagserbisyo sa aking mga kababayan doon. Namahagi rin tayo ng tulong para sa mga pasyente at empleyado ng nasabing ospital. Ito na ang ikalawang Malasakit Center sa Pangasinan. Ang isa pa ay nasa Region 1 Medical Center sa Dagupan City.
Matapos naman ito ay pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong para sa mga miyembro ng kooperatiba at mga residenteng nawalan ng hanapbuhay na isinagawa sa RBE Stadium. Kasama natin sa pagbigigay ng suporta ang Cooperative Development Authority, ang Department of Labor and Employment, at lokal na pamahalaan.
Sa hangaring ilapit lalo ang serbisyo medikal sa mga komunidad, masaya kong ibinabalita na sinimulan na noong May 8 ang pagtatayo ng Super Health Center sa Brgy. del Carmen, Iligan City na sinaksihan ng aking tanggapan. Binigyang-pugay din natin ang lokal na pamahalaan ng Calatrava sa Romblon matapos isagawa ang inagurasyon ng Super Health Center sa lugar noong May 9.
Binisita naman natin noong May 9 ang mga kababayan natin sa Tiaong, Quezon at personal na namahagi ng dagdag na tulong sa 1,800 mahihirap na residente sa lugar katuwang si Mayor Vincent Arjay Mea. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa national government. Nagkaloob tayo ng tulong sa karagdagang 2,000 mahihirap na residente, na nakatanggap din ng tulong mula sa lokal na pamahalaan mula sa pondong ating isinulong para sa bayan ng Tiaong. Namahagi rin tayo ng suporta sa 600 na nawalan ng hanapbuhay na mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Kahapon ay binalikan ng aking opisina ang 483 residente ng Muntinlupa City na naging biktima ng insidente ng sunog noon. Bukod sa tulong mula sa aming tanggapan, nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong noon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.
Dumalo naman tayo sa ginanap na Philippine Nurses Association International Nurses 8th Summer Conference sa paanyaya ni Summer Conference Chair Joseph Stephen Descallar noong May 10 para magbigay ng suporta sa ating mga medical frontliners na aking itinuturing na bayani dahil sa kanilang sakripisyo para makapagsalba ng buhay ng kapwa nila.
Sa nakaraang araw, naghatid din ang aking Malasakit Team ng tulong sa mga naging biktima ng mga insidente ng sunog kabilang ang 44 sa Cagayan de Oro City; 165 sa Bacolod City, Negros Occidental; at 20 sa Saguiaran, Lanao del Sur.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga mahihirap na residente at naalalayan ang 350 sa Mendez, Cavite katuwang ang mga konsehal ng bayan. Nagbigay tayo ng dagdag na suporta sa 20 TESDA graduates sa Pasig City. Maliban pa riyan ay nasa Enrile, Cagayan ang aking Malasakit Team para makibahagi sa Serbisyo Caravan ni Mayor Miguel Decena.
Tulad ng palagi kong sinasabi, walang pinipili dapat ang pagseserbisyo. Anumang araw, saan man kayo naroroon, ay sisikapin kong makatulong at makapagserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo sa kapwa ko Pilipino at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Sama-sama nating ilapit sa tao, lalo na sa pinakanangangailangan ang serbisyo na dapat nilang makuha mula sa gobyerno pagdating sa kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments