top of page

Walang permanenteng kaibigan o kaaway, kundi permanenteng interes sa pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 22, 2024
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 22, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Ramdam ang hinagpis at sama ng loob ni ex-Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa kanyang ginawang pagbibitiw bilang ika-24 Pangulo ng Senado nitong Lunes. 


Sa mga panayam, namutawi sa kanyang mga labi ang salitang “betrayal” o pagtataksil ng mga inaakalang kaalyado ngunit sa isang iglap ay hindi na. Sa garalgal na tinig sa kanya namang talumpati ay binigyang diin niya ang dahilan ng kanyang pagkakalaglag mula sa ikatlong pinakamataas na posisyon, ang aniya ay hindi niya pagsunod sa mga kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan, na kung sino ay hindi niya tahasang mabanggit. 


Hindi naman natin ikinagulat ang nangyaring pagpapalit ng liderato ng Senado na matagal na ring namuro sa gitna ng hindi iilang usapin kasama na ang Charter Change at ang pagdinig tungkol sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leaks sa pangunguna ng kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. 


Kung tagos sa puso ni Zubiri na ginusto niyang iangat at panatilihin ang tayog ng institusyon ng Senado sa kanyang paninilbihan dito, walang panghihinayang niyang bibitawan ang puwesto sa ngalan ng tinatawag na “statesmanship” sa sandaling ito ay kuhanin sa kanya ng panahon at pagkakataon. 


Kung ang saligan ng kanyang pagsisilbi sa puwesto ay ang taumbayan, marangal at bukas sa loob niyang babakantehin ang posisyong batid niyang laging may nakatutok na balaraw. 


Bagama’t laging itinatanggi, hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ang karaniwang naluluklok na Pangulo ng Senado ay may basbas ng nakaluklok sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan. 


Ginoong Zubiri, matagal na kayong pulitiko at hindi na bago sa inyo ang “laro” sa

Kongreso at hindi na akmang sabihin pang mahirap maging pulitiko. Kung pagtatanggol sa kapakanan ng taumbayan ang inyong ganap na mithiin, at kung ang kalagayan nila ang inyong daramhin, magiging palagay ang loob ninyong maglagay ng mohon o hangganan sa ngalan ng inyong prinsipyo at kumalas nang walang anumang panghihinayang. Tutal, nakita rin ninyo kung paanong ilang Senate President na ang nakudeta at nawalan ng numero ng kinakailangang suporta para magpatuloy sa posisyon. 


Tao nga lamang din naman kayong tulad namin at nakakaramdam ng sakit ng damdamin, na matapos pagsikapang mapaglingkuran nang husto ang mga pinagsisilbihan ay ilalaglag na parang wala lamang. Ngunit kung alam ninyong kailangang mas manaig ang kabutihan ng mamamayan ay hindi na ninyo hahayaang pagpiyestahan pa kayo sa inyong pagbubuhos ng emosyon sa harap ng madla. Sa halip ay ipapakitang maluwag sa kaloobang pipiliin ang pagkasawi o pagkatalo para manalo ang ordinaryong Pilipinong noon pa man ay nasasaktan sa hirap ng buhay habang nagpapasasa ang mga halos walang silbi sa gobyernong nagtatamasa ng daang libong suweldo kada buwan at milyones na pondo.


Hinahamon kayo ng taumbayan, Ginoong Zubiri, pagkakataon ninyo ngayon para ipakilala kung sino talaga kayo sa kanila at ano ang katangiang mayroon nga ba kayo. 


Sa pulitika nga naman, walang permanenteng kaibigan o permanenteng kaaway kundi permanenteng interes. Ngunit sa ngalan ng pagmamahal sa pinakamatayog na kapakanan ng taumbayan, wala dapat huwad, kundi mga tapat lamang na handang magsakripisyo at masaktan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page