Anti-Dynasty Bill, priority daw, pero sa papel lang
- BULGAR

- 12 minutes ago
- 3 min read
ni Ka Ambo @Bistado | December 12, 2025

Kinansela na ang pasaporte ni Zaldy Co.
May bago na kasi siyang “passport”.
----$$$--
Ipinaprayoridad ang Anti-Dynasty Bill.
Kunwari.
----$$$--
HINDI pa rin maka-move on ang mga kritiko sa P60 bilyong ibinalik sa PhilHealth mula sa national treasury.
Idineklara kasi ng Korte Suprema noong Disyembre 5 na ilegal ang paglilipat ng naturang pondo.
Kumbaga, ipinimpong balls ang naturang pondo.
----$$$--
SA totoo lang, ang paglipat ng pondo ay alinsunod sa serye ng mga batas kabilang ang
2024 General Appropriations Act (GAA).
Pinagtibay din ito Department of Finance (DOF) batay sa Circular No. 003-2024 na nilagdaan ni dating Finance Secretary Ralph Recto.
-----$$$--
BAGAMAT sinabi ng Supreme Court (SC) na labag sa konstitusyon ang Special Provision 1(d), apat na mahistrado ng SC ang nanindigan na hindi kriminal na mananagot si Recto dahil alinsunod ito sa utos ng Kongreso sa inaprubahang GAA.
Batay kasi ito sa Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII, meron itong eksklusibong “power of the purse.”
-----$$$--
SA aktwal, ipinatupad ang naturang hakbang matapos makakuha ng clearance mula sa Office of the Solicitor General (OSG), at Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Governance Commission for GOCCs (GCG).
Sinang-ayunan din ito ng Commission on Audit (COA) at maging ang PhilHealth Board mismo.
-----$$$--
NILINAW din na ang P60 bilyon ay hindi rin umano ginamit sa flood mitigation projects.
Bagkus, ginamit ang P46.7 bilyon sa gastusing pangkalusugan.
Ang P13 bilyon naman ay napunta sa government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects.
-----$$$--
DAHIL sa paglilipat ng P60 bilyon mula sa PhilHealth noong 2024, naiwasan ng National Government (NG) ang muling pangungutang na sana’y magdadagdag sa public debt stock ng P60 bilyon.
Nakaiwas ang gobyerno sa potensiyal na interes na P3.8 bilyon kada taon, batay sa average interest rate na 6.3% noong 2024.
----$$$--
NAKAIWAS din na magpataw ng bagong buwis para lamang pondohan ang mga prayoridad na programa.
Gayunman, ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth na ibinalik sa Treasury ay hindi galing sa kontribusyon ng miyembro.
Ito ay mula sa subsidies, kabilang ang mga “sin” taxes o buwis mula sa mga tobacco products at alak.
-----$$$--
BINIGYANG-DIIN ni Associate Justice Raul Villanueva na sakaling panagutin si Recto sa pag-isyu ng DOF Circular 003-2024 , ito ay maituturing na pagpaparusa sa kanya dahil sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Dahil hindi nagalaw ang pondo mula sa kontribusyon ng mga miyembro, napagbuti pa ng PhilHeath ang pagbibigay ng serbisyo.
----$$$--
SA ngayon, ang mga pasyente sa breast cancer ay nabibiyaan mula P100,000 tungo sa P1.4 milyon, o 1,300% pagtaas.
Sa dialysis patients: libre ang sessions at medications para sa buong taon.
----$$$--
PARA sa Peritoneal Dialysis (PD) patients: mula P270,000, tumaas ng hanggang 370% tungo sa P1.269 milyon.
Sa institutionalized na 156 hemodialysis sessions kada taon, ang halaga ay P6,350 bawat session mula sa dating P4,000—katumbas ng 58.75% pagtaas, o halos P1 milyon na suporta para sa bawat pasyente taun-taon.
-----$$$--
PARA sa kaalaman ng publiko, sa Open heart surgeries, ang ventricular septal defect ay tumaas sa P614,000 (mula sa dating P250,000) ang benepisyo.
Sa total correction of tetralogy of Fallot (P614,000 mula P320,000); at Coronary Artery Bypass Graft (CABG) – hanggang P960,000 mula P550,000.
-----$$$--
PINALAKI rin ang benepisyo ng PhilHealth sa Heart Valve Repair, kidney transplant, cataract; at therapy sa mga napaparalisado.
Pinondohan din ang pagbili ng mga health equipments at pagtatayo ng mga dagdag na pasilidad na may kaugnayan sa medical services.
-----$$$--
NAGLAAN din ng P13 bilyon para sa mandatory government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects.
Mahalagang maunawaan ng publiko ang tunay ng sitwasyon sa gitna ng kaliwa’t kanang kaduda-dudang impormasyong lumilitaw sa iba’t ibang social media platform.
-----$$$--
SA ngayon, kailangang magtulong-tulong ang bawat mamamayan sa pagpapakalat ng mga lehitimong impormasyon.
At umiwas na maging kasangkapan sa kaliwa’t kanang black propaganda ng mga nagtutunggaliang ideolohiya sa ating lipunan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments