top of page
Search
BULGAR

Walang patumanggang pagputol ng mga puno, tigilan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 27, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nariyan lamang ang mga puno sa ating mga gubat, lansangan at hardin. Hindi natin sila napapansin, ngunit sa kabila ng kanilang tahimik na pagtindig ay napakarami ng maipagsisigawang pakinabang ng mga puno para sa sangkatauhan at kapaligiran.  


Sa puntong pangkalikasan, ang bawat puno ay nakapagdaragdag ng oxygen sa mundo at nakapagpapabawas sa init ng panahon, nakapagpapalinis ng hangin, nagbibigay proteksyon laban sa ultraviolet o UV rays na masama sa ating balat, nakapagpapatipid sa ating bayarin kung malapit sa ating mga kasangkapang de-kuryente, at nakapipigil sa pagguho ng lupa. Kaya naman napakahalaga rin ng mga puno bilang pangontra sa patuloy na nakaaalarmang pagbabago sa klima o climate change.


Bukod pa riyan ay ang mga kabutihang pangkabuhayan na dulot ng mga puno, gaya ng pagbibigay sa atin ng pagkain o maaaning mga kagamitang panangkap o raw materials na pambuo ng bahay, halimbawa. Sa usaping kabahayan din, nagiging tahanan ang mga puno ng sari-saring ibon at iba pang mga nilalang. At sa puntong pantao’t panlipunan, nakatutulong ang mga puno na mapagaling o mapabuti ang ating pangangatawan mula ulo hanggang talampakan, nakapagpapagaan ng kalooban at nakapagbibigay kanlungan, pahinga o inspirasyon. Kung kaya’t hindi birong masabi na ang mga puno ay makatutulong makapagdulot ng ating inaasam na kagaanan.


Ngunit kahit matatag at matayog ang mga puno ay may hangganan din ang mga ito. Sa isang banda, natural lang na nagwawakas ang kanilang pagtubo’t paglago matapos ang maraming mga taon o dekada. Ngunit ang nakalulungkot at nakababahala ay ang makitil ang buhay ng anumang puno bago pa man ito umabot sa sukdulang katandaan. 


Lalo nating nauunawaan ito sa dami ng mga unos na nagsipagdaan at dadaan pa sa ating mga isla. Mga nakapipinsalang mga kasungitan ng panahon na, bukod pa sa grabeng mga pabaha, ay nakapagpatumba ng mga puno, gaya ng Bagyong Kristine nitong Oktubre sa kalakhang Maynila at ilang mga probinsya, at ng Bagyong Pepito nitong Nobyembre sa Catanduanes. Ngunit maituturing na mas malubhang trahedya ang malawakang pagtotroso o pagpuputol ng mga puno nang walang pakundangan.


Ang masahol pa rito ay hindi lamang nakapanlulumong tanawin ang nakalbong mga bulubundukin, nakapagpapadelikado pa ito sa mga tao’t tirahan na napagkakaitan ng panangga sa sama ng panahon. Wala pa riyan ang seryosong panganib na nararanasan ng mga tagakalinga ng kagubatan, sila na matapang ng hinahadlangan ang mga nais pumutol ng ’di mabilang na mga puno para lamang sa makasariling hangarin.


Sa gitna ng usaping ito, nakapagpapaisip na maaari nating maihambing sa mga puno ang ating mga sarili bilang mamamayan. Sa ating kani-kanyang mga paraan, ang bawat isa sa atin ay may naitutulong at may ’di-maikakailang kabutihang naidudulot sa ating kapwa, ilan man sila at kadugo o kaibigan man natin sila o hindi. Bilang mga Pilipino, mahaba ang ating pisi at makakaya ang iba’t ibang uri o antas ng kahirapan o pagsubok sa araw-araw. Ngunit, gaya ng mga puno, may hangganan din ang ating pasensya at, kung tayo ay patuloy na aabusuhin o pagsasamantalahan sa anumang kaparaanan, tayo rin ay bibigay, babagsak — mapupuno. 


Kaya’t habang hindi pa huli ang lahat, tratuhin nating panawagan ang munting sanaysay na ito sa lahat ng kinauukulan, sa pangangalaga man ng ating kalikasan o ng lipunan, na maging maalalahanin, mapagmalasakit at matino sa kanilang mga gawain at layunin, upang lalo pang mapaganda, mapabuti’t mapaaliwalas hindi lang ang ating kapaligiran kundi ang mismong sambayanan. 


Tigilan ang walang patumanggang pamumutol ng mga puno!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page