Walang pahinga si Holiday, ambisyoso sa NBA Finals
- BULGAR
- May 27, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 27, 2024

Laro ngayong Lunes – American Airlines Center
8 a.m. Minnesota vs. Dallas
Bumida si Jrue Holiday sa huling mga segundo upang maisalba ng Boston Celtics ang 114-111 panalo sa Game Three ng 2024 NBA Eastern Conference Finals kahapon sa Gainbridge Fieldhouse. Isang panalo na lang ang kailangan ng Boston para mawalis ang seryeng best-of-seven at pumasok sa NBA Finals.
Kinumpleto ni Holiday ang three-point play buhat sa foul ni Pascal Siakam na ibinalik ang lamang sa Celtics, 112-111, at 39 segundo sa orasan. Mula roon ay inagaw ni Holiday ang bola kay Andrew Nembhard at napilitang mamigay muli ng foul si Siakam at itigil ang oras.
Binalikan ng mga reperi ang video at nagpasya na gawaran ng dalawang free throw si Holiday na walang kabang ipinasok ito at 1.7 ang nalalabi. May pagkakataon pa ang Pacers subalit nagmintis ang tres ni Aaron Nesmith.
Matiyagang humabol ang Celtics mula 66-84 sa kalagitnaan ng 3rd quarter. Nakatutok ang pansin sa tambalang Jayson Tatum at Jaylen Brown at nagtrabaho sila upang palapitin ang Boston hanggang ipasok ni sentro Al Horford ang kanyang ika-7 three-points ng laro para maging 109-111 at ihanda ang daan para kay Holiday
.
Nanguna si Tatum na may 36 puntos at 10 rebound habang 24 si Brown at 23 kay Horford. Ipinasok ni Holiday ang siyam ng kanyang 14 sa 4th quarter.
Nagtala ng 32 si Nembhard na sinundan ni reserba TJ McConnell na may 23. Malaking bagay ang hindi paglaro ni Tyrese Haliburton na sumakit ang hita noong Game 2 at titingnan pa kung handa siya para sa Game 4 ngayong Martes.
Samantala, umaasa ang Dallas Mavericks na ang paglaro ngayong ang magdudulot ng 3-0 bentahe sa Minnesota Timberwolves. Titingnan kung anong mahika ngayon ni Luka Doncic na mabangis ang ipinakita upang maagaw ng Mavs ang naunang dalawang mahigpitang tagumpay.




Comments