Walang nanaig kay Going East sa 3-YO
ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 25, 2023
Hindi rin nagpadaig noong Linggo ng hapon si Going East dahil nanalo ito sa 2023 PHILRACOM "3-Year-Old Maiden Stakes Race" na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Hinangaan ng mga karerista ang ipinakitang husay ni Going East, hindi nasindak sa tulin ng kalaban at sinabayan niya ito sa unahan na siyang biniliban ng kanyang mga panatiko.
Nakipaglutsahan si Going East kay Sandigan sa kaagahan ng laban pero pagsapit ng kalagitnaan ng karera ay kinuha na ng winning horse ang unahan at tumuloy-tuloy na sa meta.
Ginabayan ni class A rider Kelvin Abobo, inirehistro ni Going East ang tiyempong 1:25.8 sa 1,400 meter race upang sungkitin ng winning horse owner na si Melaine Habla ang P720,000 premyo.
"For the racing fans, thank you for your support in today's events," saad ni Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) chairman Reli De Leon.
Dumating na segundo si Domsat Seven na kumubra ng P240,000, tumersero si Diversity na tumanggap ng P120,000 habang pumang-apat si Sandigan na nagbulsa ng P60,000.
Nagsubi ang breeder na si Habla ng P60,000 sa pagkakapanalo ni Going East habang tig-P36,000 at P24,000 ang second at third.
"Congratulations to our winners for the day's stakes races, We at the Commission would like to thank Mr. Yuichiro and Mr. Keisuke for gracing this momentuous occasion," ani De Leon.
Samantala, ayon sa pamunuan ng PHILRACOM, na maraming malalaking stakes races ang ilalarga ngayong 2023 kaya tiyak na aabangan iyon ng mga karerista.





Comments