Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis
- BULGAR
- May 31, 2023
- 3 min read
Updated: Jun 2, 2023
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 31, 2023
Naaalala ba ninyo ang pelikulang ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’? Isa itong blockbuster movie na pinagsamahan namin ng aking maybahay na si Cavite Cong. Lani Mercado-Revilla noong 1994, kung saan napakabata pa ng gumanap naming anak na si Inah na anak ko rin sa tunay buhay at ngayon ay isa nang abogado.
Ganyan katagal na ang naturang pelikula at dahil madalas din itong ipinapalabas sa telebisyon, marami pa rin ang natutuwa hanggang sa kasalukuyan kaya naisip naming gumawa ng remake, ngunit hindi na pelikula kunndi isang teleserye na mapapanood tuwing Linggo sa ganap na alas-7:50 ng gabi.
Hindi binago ang titulo na hango sa aming pelikula dahil ang bago naming teleserye ay tinawag pa ring ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik Misis’ na magsisimula na sa Hunyo 4 sa GMA 7 bago ang Kapuso Mo Jessica Soho.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsama-sama ang stellar cast ng upcoming action-comedy series na ito na ang inyong lingkod pa rin ang gaganap bilang Major Reynaldo Bartolome, ngunit ang gaganap na matinik kong maybahay ay si Beauty Gonzales bilang Gloria at si Max Collins naman bilang si Elise, ang seksing may surpresang papel na gagampanan.
Si Carmi Martin naman ang papalit sa dating papel ni Tessie Tomas bilang si Tiya Lucing na sulsol at palaging naghahatid ng fake news kay Gloria, na bagay na bagay kay Beauty na isang Bisaya sa totoong buhay kaya ang ending ay palaging inaaway ni Gloria si Tolome na inaasahang linggo-linggong magiging masaya.
Kabilang din sa star-studded cast ng serye sina Kapuso stars Kate Valdez, Kelvin Miranda, at Raphael Landicho. Ipinakikilala naman dito ang Sparkle actress na si Angel Leighton.
Dagdag-saya rin sa naturang upcoming action-comedy series ang mga batikang aktor na sina Niño Muhlach, Bembol Roco, ER Ejercito, Maey Bautista, Dennis Marasigan at Dennis Padilla.
Ang 'Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis' ay handog ng GMA Entertainment Group sa pamumuno nina Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, Vice President for Drama Cheryl Ching-Sy, Assistant Vice President for Drama Helen Rose Sese, Senior Program Manager Camille Hermoso, at Executive Producer Lenie Santos.
Ang creative team ay pinangungunahan nina creative consultant Jojo Nones at head writer Reggie Amigo. Kasama rin ang mga manunulat na sina Liberty Trinidad, Jake Somera, at Loi Argel Nova.
Bibigyang-buhay natin ang karakter bilang isang mahusay at matapang na si Maj. Bartolome na mas kilala sa tawag na Tolome dahil sa kasisigaw ng kanyang misis na si Gloria ng “Tolomeeee!” sa tuwing ito ay magagalit.
Isa sa bagong mapapanood sa teleserye na ito ay ang pagiging Bisaya ni Beauty sa tunay na buhay na kilalang matapang, ngunit umaabuso dahil hindi ito pinapatulan ng mabait na si Tolome.
Ngunit bilang isang pulis, matino sa kanyang tungkulin si Tolome at mahusay sa pakikipagbakbakan kaya asahan din ang maaaksiyong eksena na talagang pinaghandaan namin para sa mga kababayan nating nag-aabang din ng aksiyon.
Kumpleto ang teleserye na ito, dahil bukod sa tawanan ay may mga makatotohanan ding mga eksena na sa huli ay magbibigay-aral sa ating mga manonood na puwede sa lahat ng edad, lalo na sa mga bata na nais matuwa.
Si Max Collins ay ngayon ko lamang nakatrabaho at wala tayong masabi sa kanyang husay sa pag-arte at talagang bagay na bagay sa kanya ang role na isang seksing tumutukso kay Tolome ngunit sadyang matinik si Gloria.
Markado rin ang role rito ng dating child star na si Niño Muhlach dahil siya naman ang pumalit sa dating role ni Jimmy Santos sa pelikula na isa ring pulis at sidekick ni Tolome na palagi ring kasama sa mga bulilyaso na kinasasangkutan ni Tolome.
Isa pa sa talagang aabangan sa teleseryeng ito ay ang pagpayag ni Jeric Raval na gumanap bilang si Kamao na tauhan ni Scarface na ginampanan naman ni ER Ejercito—na parehong pumayag na gumanap na kontrabida.
Hindi sa binubuhat natin ang teleseryeng ito, ngunit bukod sa masaya ay talagang tutukan ito ng ating mga tagasubaybay dahil sa labis na pinag-aralan ang script upang maging kaabang-abang, at isinailalim ito sa direksyon nina Direk Enzo Williams at Associate Director Frasco Mortiz.
Halos isang taon na rin ang nakararaan nang huli tayong humarap sa camera para sa ‘Agimat ng Agila’ Season 2 na tinangkilik din ang ating mga tagasubaybay, kaya heto at muli tayong nagbabalik sa telebisyon.
Tiyempo rin dahil break sa Senado at magkakaroon din ako ng pagkakataong mapanood ang maganda at masayang teleserye na ito kasama ang aking buong pamilya
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments