top of page

Pagtaas sa sahod ng mga guro napapanahon na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 8, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Kamakailan ay inihain ng inyong lingkod ang panukalang taasan ang sahod ng mga guro sa ating mga pampublikong paaralan. Sa ilalim ng ating panukala, isinusulong natin ang P20,000 across-the-board increase para sa ating mga public school teachers sa elementary at high school.


Kung babalikan natin ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670), nakasaad doon ang polisiya ng bansa na hikayatin ang ating mga kababayan na pumasok sa pagtuturo sa pamamagitan ng sapat at maayos na sahod at iba pang mga benepisyo. Nakasaad din sa naturang batas na hindi dapat nalalayo ang sahod ng mga guro sa sahod ng mga nasa ibang propesyon, kung saan kinakailangan din ang parehong antas ng mga kuwalipikasyon, training, at mga kinakailangang kakayahan.


Bagama’t makasaysayang maituturing ang Magna Carta for Public School Teachers, kailangan pa ring tuparin ng ating pamahalaan ang tungkulin nitong bigyan ang ating mga guro ng sahod na naaayon sa itinakda ng batas.


Mula 1989 hanggang 2009, nanatili sa Salary Grade (SG) 10 ang sahod ng mga Teacher I. Noong 2009 umangat ang sahod nila sa SG 11. Sa kasalukuyan, katumbas ito ng P30,024. Ngunit 16 taon na ang lumipas at nananatili sa SG 11 ang sahod ng mga Teacher I. Iminumungkahi natin ang P20,000 na dagdag-sahod upang mapunan ang hindi pagtaas ng kanilang SG sa loob ng 16 taon.


Napapanahon na para itaas natin ang sahod ng mga public school teachers. Para sa inyong lingkod, ang pagtaas sa suweldo ng ating mga guro ay isang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo matiyak lamang na natututo ang ating mga mag-aaral.


Maliban sa panukalang pagtaas sa sahod ng ating mga guro, inihain din ng inyong lingkod ang Revised Magna Carta for Public School Teachers. Layon ng panukala nating ito na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers na naisabatas 59 taon na ang nakalilipas. Sa paghain natin ng panukalang batas na ito, nais nating tiyakin na ang mga benepisyo at proteksyong ibinibigay natin sa ating mga guro ay akma sa mga hamong kanilang kinakaharap sa kasalukuyan.


Marami pa tayong ihahaing mga panukalang batas upang isulong ang mga reporma sa ating sistema ng edukasyon. Tutukan ang mga ulat sa mga susunod na araw ukol sa mga panukalang ihahain ng inyong lingkod.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page