top of page

Fraternity o sorority groups, kailangan ng faculty adviser

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 8, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nabanggit sa akin ng aking pinsan na nasa kolehiyo na balak niyang maging miyembro ng isang fraternity group sa kanilang unibersidad. May kaunting kaba pa akong nararamdaman dahil nalaman ko na walang guro o adviser na sumusubaybay sa mga gawain ng nasabing fraternity group. May batas ba tayo na nagsasabing dapat may sumusubaybay sa mga aktibidad ng isang fraternity group? Salamat sa inyong kasagutan.


— Donnie


Dear Donnie,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 7 ng Republic Act No. 8049, na inamyendahan ng Republic Act No. 11053, o mas kilala sa tawag na “Anti-Hazing Act of 2018,” kung saan nakasaad na:


Sec. 7. Faculty Adviser. -- Schools shall require all fraternities, sororities, or organizations, as a condition to the grant of accreditation or registration, to submit the name or names of their respective faculty adviser or advisers who must not be members of the respective fraternity, sorority, or organization. The submission shall also include a written acceptance or consent on the part of the selected faculty adviser or advisers.


The faculty advisers shall be responsible for monitoring the activities of the fraternity, sorority, or organization is established or registered.


In case of violation of any of the provisions of this Act, it is presumed that the faculty adviser has knowledge and consented to the commission of any of the unlawful acts stated therein.”


Nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na bago magawaran ng pahintulot o mairehistro ang isang organisasyon katulad ng mga fraternity o sorority groups, dapat idirekta ng eskwelahan ang bawat fraternity, sorority, o organisasyon na magsumite ng pangalan o mga pangalan ng mga faculty adviser o advisers na hindi dapat miyembro ng parehong fraternity, sorority, o organisasyon. Nararapat din na ang pagsusumite ng pangalan ay may written acceptance o pahintulot ng napiling faculty adviser o advisers. Ang nasabing faculty adviser o advisers ay responsable sa pagsubaybay sa mga aktibidad ng nasabing fraternity o sorority group. 


Kung kaya bilang kasagutan sa iyong katanungan, nararapat na ang sasalihan na fraternity group ng iyong pinsan ay rehistrado o nabigyan ng akreditasyon. Bago ito maibigay sa nasabing organisasyon, isa sa mga kinakailangan ay ang pagsusumite ng pangalan ng faculty adviser o advisers na hindi dapat miyembro ng nasabing grupo. Kaakibat nito ang isang kasulatan ng pagtanggap o pahintulot na maging tagapayo ng fraternity group.


Isa sa mga responsibilidad ng nasabing faculty adviser ay ang gabayan o subaybayan ang mga gawain o aktibidad ng fraternity group na sasalihan ng iyong pinsan. Kung ang nasabing kondisyon ay hindi nakamit ng fraternity group at mapatunayan na may paglabag sa nabanggit na batas, nais naming ipaalam na ito ay may karampatang parusang pagkakakulong at pagbabayad ng multa alinsunod sa mga nakasaad sa Seksyon 14 ng Anti-Hazing Act of 2018.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page