Walang masama kung choosy sa pagpili ng kakampi!
ni Ka Ambo - @Bistado | October 06, 2021
Nag-file na ng COC si Yorme kasama si Doc Willie.
Kung sa Maynila lang ang eleksiyon, walang problema, pero ang maniobra ay buong bansa.
Nakakalula ang lawak ng kampanya!
◘◘◘
ISA ring malaking problema ni Yorme ay makinarya, kailangan niyang mag-organisa o mamulot ng lider, kandidato o local group kada lalawigan, siyudad at bayan.
Paano niya gagawin 'yan?
◘◘◘
MASELAN ang pakikipag-alyado o pakikipag-alyansa sa mga bagong grupo dahil maiimbiyerna o makakaaway ang kabilang grupo.
Alyado ang tawag kapag ang makakasama ay mula sa iisang partido o kulay.
Alyansa naman kapag ang kasangga ay mula sa kasalungat na partido o adhikain!
◘◘◘
MAHALAGA na masuring mabuti ang bawat hakbang at desisyon at magagawa ito kapag beterano at bihasang political operator ang mangangasiwa.
Maselang hamon 'yan kay Yorme!
◘◘◘
KAILANGAN ni Yorme na maka-establish ng network at machinery, lalo na sa mga probinsyang hindi siya kilala.
Kapag nagkamali ng grupo na makakasama si Yorme, maaaring mapahamak siya, imbes na madagdagan ay mababawasan pa ang boto!
◘◘◘
ISANG halimbawa ay ang ulat na isang kongresista ng Caloocan na kilalang dilawan pero sumanib sa grupo ni Yorme kasama ang mga konsehal.
Talo si Yorme sa alyansang 'yan dahil parehong dilaw ang kanyang kampanya sa naturang lungsod!
◘◘◘
GANYAN din ang sitwasyon sa Malolos, Bulacan, ang kaalyansa ni Yorme ay kilalang “anti-business” group na dumidiskaril sa mga nais mag-invest.
Target ng mga grupo ay makontrol ang kilos ng mga investors para sa sarili nilang interest!
◘◘◘
MADADAMAY mismo si Yorme sa bad record ng mga local partners.
May nagsasabi kasing isang kandidatong konsehal sa Malolos na kaalyansa niya ay may pending case ng pag-abuso sa kababaihan.
Dapat linawin 'yan ni Yorme sa kanyang mga local leaders upang hindi mabawasan ang kanyang boto!
◘◘◘
MAHIRAP ang sitwasyon ni Yorme.
Hindi ka pa man naka-take off, masisira agad ang diskarte.
Nakikiusap kay Yorme ang mga umiidolo sa kanya na maging mapili at mapanuri sa mga bagong kasama!
◘◘◘
PAYONG kapatid, dapat magkaroon si Yorme ng complete staff work at review ng inner circle.
Mahalagang piliin niyang mabuti ang bubuo ng kanyang core group!
◘◘◘
HINDI dapat panghinayangan ang mga pulitiko na walang maidadagdag na positibo sa kampanya.
Maging choosy ka Yorme.
Hindi lahat ng kumikinang ay ginto.
Marami riyan ay lantay na tanso!





Comments