Walang lusot — Leonen... Korupsiyon sa Korte, stop

ni Mylene Alfonso @News | October 2, 2026

Photo: Supreme Court Acting Chief Justice Marvic Leonen - Supreme Court PH
Hinimok ni Supreme Court Acting Chief Justice Marvic Leonen ang mga justice, hukom, abogado at kawani ng korte na huwag manahimik kapag may nalalamang katiwalian sa hudikatura.
“To remain silent in the face of corruption is to become complicit in injustice,” ani Leonen sa Memorandum Order No. 94-2026 na inilabas nitong Setyembre 30, 2026.
Inatasan ni Leonen ang mga justice, hukom, litigant at kawani ng korte na i-report ang mga insidente at impormasyong dapat imbestigahan kaugnay ng paglabag sa mga batas laban sa graft at corruption na kinasasangkutan ng sinumang judge, justice o court personnel sa alinmang antas ng hudikatura.
Maaaring ipadala ang mga report sa Judiciary Integrity Email na integrity@judiciary.gov.ph.
Kabilang sa dapat i-report ang lihim na pakikipag-usap ng isang litigant sa judge o justice tungkol sa kaso, paghingi o pag-aalok ng pera, regalo o pabor kapalit ng desisyon o serbisyo ng korte, at pagbibigay ng impormasyong hindi dapat inilalabas tungkol sa takbo ng isang kaso.
Maaari ring isumbong ang mga taong nag-aangking may impluwensiya sa korte, pati ang mga judge, justice, kawani ng korte o abogado na nagpapalakad ng pabor sa loob ng hudikatura.





Comments