Walang katarungan dito, meron kaya sa kabilang buhay?
- BULGAR

- 3 days ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 18, 2025

Pumanaw kamakailan ang isang kababata. Hindi siya kilala, hindi sikat.
Meron namang namatay noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 13, 2025. Kilalang-kilala siya at merong dalawang mukha. Una, meron siyang mukha ng kapangyarihan, mukha ng kayamanan, mukha ng pulitiko. Pangalawa, meron siyang tagong mukha, ang tagong epekto ng halos anim na dekadang ‘pagmamalabis’ sa kapangyarihan at paglabag sa batas.
Ang kababata kong minisahan natin noong nakaraang araw ay anim na taong nakaratay sa kama. Unti-unti siyang nanghina. Nawalan ng boses dahil nabutasan na ang lalamunan para makahinga (tracheostomy). Ilang taon bago pa ito, nawalan na rin siya ng pandinig hanggang pati ang kanyang mga mata ay tuluyan nang lumabo hanggang sa mabulag.
Hindi mayaman ang aking kababata, ngunit naging matagumpay siyang bangkero noong malakas pa siya. Nakaipon silang mag-asawa kaya’t ito ang unti-unti nilang pinanggagastos hanggang sa huling sandali para mapanatili ang buhay ng kababata ko.
Malaki ang pagkakaiba ng dalawang lalaking pumanaw. Iisa ang mukha ng aking kababata. Mabuting asawa’t anak, mabait na tao sa lahat.
Dalawa naman ang mukha ng yumaong pulitiko. Ang mukhang opisyal at ang mukhang itinatago. Lumalabas na ngayon ang mga nagawa nito noong siya’y bata, malakas at makapangyarihan. Nagtayo ito ng malaking kumpanyang gumagawa umano ng posporo. Kinailangan niya ng maraming puno, kaya’t siya’y nagtayo ng “logging corporation” sa hilagang Samar, Bukidnon, Butuan at iba pang lalawigan. Madali niyang nagawa ito dahil sa kanyang kapangyarihan bilang mataas na opisyal ng gobyerno.
Maaalala ang iba’t ibang kaso ng karahasan at pagpatay tulad ng massacre sa hilagang Samar noong 1981 nang ginamit umano ng kanyang kumpanya ang isang para-military group upang ‘lipulin’ ang 45 katao. Nasangkot din siya sa maraming kaso ng korupsiyon, gaya ng PDAF at pork barrel scam. Nakulong din naman ito, ngunit sa isang komportableng silid ng ospital (hospital arrest), at pinakawalan din dahil pinawalang-bisa ang kaso ng isang presidente.
Personal tayong naapektuhan ng kapangyarihan ng powerful na taong ito. Ito ay dahil sa binitiwan nating pahayag tungkol sa “pagpatay” ng kanyang anak sa aking pamangkin noong Setyembre 25, 1975. Kasama ng kanyang anak na sinasabi kong “pumatay” sa aking pamangkin, kinasuhan nila ako ng libelo. Nakulong tayo ng tatlong araw hanggang sa nakapagpiyansa noong Mayo 30, 2002. Tiniis natin ang kulungan maski na wala tayong kasalanan. Napaikli ng tatlong araw na pagkakakulong. Mahaba ang siyam na taong paglilitis sa ilalim ng dalawang hukom, Normandy Pizarro at Christine Azcarrage Jacob. Salamat sa Diyos at nakita ng babaeng hukom ang katotohanan at inhustisya ng walang katapusang paglilitis sa palsong kaso. Salamat sa isang Judge Christine Jacob sa desisyon nitong i-dismiss ang kasong libelo na isinampa sa akin.
Nasa 50 taon na ang nakararaan mula nang mapatay ang aking pamangkin ng anak ng makapangyarihang lalaki ngunit wala pa ring hustisya. Hindi nakasuhan, hindi nakulong ang kanyang anak. Pati siya, sa rami ng kanyang mga kasalanan, magaang ang naging parusa niya at sa huli, nakuha pa siyang maglingkod sa anak ng diktador na pinaglingkuran.
Hindi tayo nagsasaya, nagdiriwang o nagpapasalamat dahil namatay na ang makapangyarihang pulitiko. Nalulungkot tayo dahil walang katarungang natanggap ang aking pamangkin at ang kanyang pamilya.
Inilibing na ang aking kababatang pumanaw. Maraming taong lumuha dahil sa kanyang kabutihan.
Ililibing na rin ang makapangyarihan at mayamang pulitiko. Iiwanan niya ang kanyang kayamanan. Bula, usok, abo na ang kanyang kapangyarihan. Maraming umiyak nang siya’y buhay pa. Hindi natin alam kung sila’y natutuwa ngayon. Nakalulungkot lang na sa pagpanaw ng mga yumaman dahil sa kanilang kapangyarihan at ang pagpupugayan lang ay ang kanilang unang mukha.
Alam ng Diyos ang pangalawa, ang tagong mukha nila. Kung walang ganap na katarungan dito sa lupa, walang korte, walang abogado, walang halaga ng salaping kayang kontrahin ang katarungan ng Diyos.
Ngunit galit at sawa na ang marami sa mga nagaganap na pagtatakip at pagtatago ng mga may dalawang mukha. Kailangang mangyari rin ang katarungan sa lupa. Kailangan ang tunay na pamahalaan, totoo at malinis na pamamahala ng mga mabubuti, marangal at iisa lang ang mukha.








Comments