top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Walang “K” ang asawa na makihati sa ari-arian na hindi sakop ng ‘community property’

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 25, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 25, 2021



Dear Chief Acosta,

Ako ay ikinasal noong 2010, subalit hindi kami nagkasundo ng aking asawa at kami ay hindi na nagsama mula noong 2015. Noong 2017 ay binigyan ako ng ang aking ama ng dalawang bahay na kalaunan ay aking pinaupahan. Sinabi ng aking asawa na marahil wala siyang karapatan sa mga nasabing bahay, ngunit siya diumano ay may karapatan sa aking mga kinita mula sa pagpapaupa ng mga ito sapagkat kami ay nananatili pa ring kasal. Tama ba ‘yun? – Marco


Dear Marco,

Ang mga batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Executive Order No. 209, s. 1987, o mas kilala bilang Family Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 92 ng batas na ito na:


“Art. 92. The following shall be excluded from the community property:


(1) Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property…xxx”


Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, ang anumang ari-arian na nakuha ng sinuman sa mag-asawa sa pamamagitan ng gratuitous title, o kusang-loob na ibinigay nang walang katumbas na kabayaran ay mananatili bilang eksklusibong pagmamay-ari ng taong pinagbigyan nito, maliban lamang kung malinaw na isinaad ng taong nagbigay, na ang nasabing bagay ay magiging kabilang sa community property ng mag-asawa.


Sa inyong sitwasyon, kung walang malinaw na direktiba ang inyong ama na ang mga bahay na kanyang ibinigay sa inyo ay kabilang sa community property ninyong mag-asawa, ang nasabing mga bahay, maging ang mga kinita mula rito ay mananatiling eksklusibo ninyong pagmamay-ari.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page