Walang iwanan sa ating pagbangon mula sa pandemya
- BULGAR

- Jan 22, 2021
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 22, 2021
Naniniwala tayo sa napakahalagang papel ng bakuna sa pagbangon natin mula sa mga pagsubok na dala ng pandemyang COVID-19. Ito ang ating sandata upang tuluyan nang maibalik sa normal ang ating mga pamumuhay.
Kaya naman, sang-ayon tayong payagan ang mga local government units na mag-procure ng sarili nilang COVID-19 vaccines. Naniniwala tayong mas mapabibilis nito ang proseso ng pagbabakuna sa mga Pilipino.
May mga LGUs din na naglaan na ng kanilang sariling pondo para sa bakuna. Ang nakikita lamang nating magiging hamon ay ang limitasyong dulot ng suplay sa pandaigdigang merkado.
May mga bansa na bumibili ng vaccine na doble o higit pa sa bilang ng kanilang populasyon dahil may budget sila para rito, samantalang tayo ay hindi pa nakabayad. Hindi pa nga napirmahan ang supply agreement, sangkatutak na ang pagdududang nangyayari.
Kaya nakikiusap tayo sa mga kasamahan natin sa legislative at pati rin sa executive branch na magkaisa alang-alang sa kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap.
Habang walang kapaguran tayong nagsisikap at magtatrabaho upang maumpisahan na ang ating vaccination program, patuloy din ang pag-iikot ng inyong lingkod sa iba’t ibang panig ng bansa upang bisitahin ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong dahil sa krisis na kanilang kinahaharap.
Nitong linggo, nakapagbigay tayo ng tulong sa mga nasunugan tulad ng 33 na pamilya sa Bacoor City at apat na pamilya sa Alfonso, Cavite noong Lunes; at 75 na pamilya sa Davao City at 195 na pamilya sa Marilao, Bulacan noong Martes; at 48 na pamilya sa Taytay, Rizal at 294 na pamilya sa Muntinlupa City noong Miyerkules.
Patuloy din ang pagtulong natin sa mga tinamaan noon ng bagyo sa 720 indibidwal sa Quezon City noong Martes; mahigit dalawang libong indibidwal sa Tago at Tagbina, Surigao del Sur noong Miyerkules at Huwebes; 473 pamilya na nagmula sa mga bayan ng Laua-an, Tobias Fornier, Culasi, Barbaza, at Sibalom sa Antique noong Miyerkules at Huwebes din; at 520 na indibidwal sa Nueva Vizcaya at 98 na indibidwal sa Quirino noong Huwebes.
Nakapag-abot din tayo ng tulong sa 500 na mga mananahi, mga taong may kapansanan at mga dialysis patients sa Taytay, Rizal noong Miyerkules. Mayroon ding naibahaging tulong sa mahigit isang libong talipapa and public market vendors sa Plaridel, Bulacan noong Martes.
Sa bawat komunidad na ating napuntahan, namahagi tayo ng meals, food packs, masks, face shields, at vitamins. Ilang residente naman ang nabigyan din ng sapatos, bisikleta at computer tablets. Layunin ng mga tulong na ito na maibsan ang paghihirap na kanilang sinapit. Hiwalay pa rito ang tulong naman mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nakilahok din.
Samantala, binuksan noong Huwebes ang ika-99 na Malasakit Center sa bansa sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Sa tulong ng Malasakit Center na ito, mabibigyan ng mas pinabilis na access sa medical assistance mula gobyerno ang mga taga-Nueva Vizcaya tulad ng naipangako natin sa kanila.
Asahan ninyong walang Pilipinong maiiwan sa ating pagbangon mula sa pandemyang ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments