top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Walang iba pang hihigit sa pagmamahal at pagkalinga ng isang ina

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 27, 2020
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | December 27, 2020



Natapos na ang siyam na gabi at madaling-araw ng masayang nobenaryo para paghandaan ang Pasko. Kakaibang Pasko ang ipinagdiwang nating lahat sa kakaibang taong ito. Sa tradisyon ng Simbahang-Katolika, ang siyam na araw na nobenaryo ay pagbibigay-puri kay Maria, na pinagpala sa babaeng lahat, na napiling maging Ina ng Diyos.


Sa pagbibigay-galang natin sa mahal na Inang Maria, nararapat ding pasalamatan natin at bigyang-galang ang iba ring Ina na nagbibigay-buhay, dangal at galak sa ating lahat. Nais nating pasalamatan ngayong Pasko ang sumusunod na mga ina — ang inang kalikasan; inang bayan at ang sarili nating ina.


Salamat inang kalikasan. Hindi sapat na magpasalamat sa kanya. Napakahalagang sabayan ang anumang pasasalamat sa kanya ng malalim na dagok sa dibdib na umaamin sa napakaraming pagkukulang at pagkakasala sa kanya. Ibang-iba na ang kalagayan ng kalikasan sa kasalukuyang panahon. Sa halip na hanapin ng pamahalaan at karaniwang tao ang mga napapanahon at epektibong paraan upang mapanatili ang kagandahan, kalusugan at sigla ng kalikasan, tila ang kabaliktaran ang binibigyang-priyoridad.


Noong 1999, inilunsad namin ang PAdYAK ni Nonoy Jopson, anak ng kilalang aktibistang lumaban at pinapatay noong panahon ng Martial Law. Ito ang Payak at Dalisay na Buhay Alay sa Kalikasan. Noong Biyernes, Pasko, pinagnilayan natin ang simbolo ng sabsaban. Tingnan natin ang sabsaban, kung saan isinilang ni Maria ang Anak ng Diyos — walang pinto at bintana. Walang bato o kahoy o anumang protektadong sahig, lupa lang. Walang tubig, kuryente, banyo, lababo at ilaw. Walang anumang kasangkapang, upuan, lamesa o higaan. Bagama’t karaniwang tulugan ng mga hayop, madalas ding makisiksik ang mga dukhang walang matuluyan. Hindi ba’t nagpapaalala ang sabsaban sa lahat na tingnan ang mapag-aksaya at mapanirang pamumuhay na patuloy na kumakamkam at kumukonsumo sa kalikasan ngunit hindi nagbabalik dito sa anumang paraan? Panawagan ang sabsaban ng Banal na Sanggol na bumalik sa payak at dalisay na buhay upang bumalik din ang sigla, ganda at dangal ni Inang Kalikasan.


Salamat, inang bayan. Ano na ang ginagawa nating lahat para sa kanya? Ano ang prayoridad ng mga namumuno sampu ng kanilang mga nasasakupan? Madalas nating sabihing hindi aksidenteng mangyari ang matitinding trahedya sa 2020 na sa wika ng mga dalubhasa ng mata ay nangangahulugang malulusog at malilinaw at walang anumang problema. Ang magkaroon ng 2020 vision ay kayamanang tunay dahil kailangan ng lahat ang malinaw na paningin. At kung babalikan natin ang mga pangyayari sa paglipas ng taong ito, mula sa pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero; ang simula ng pagkalat ng pandemya noong Marso; ang walang tigil na pagpatay sa mga abogado; doktor; karaniwang mamamayan; ang mga matitinding, maalala natin ang naranasang takot at lungkot na nagpakawala ng masaganang luha mula sa mga mata ng lahat. Ano ang nagawa ng mga luhang ito? Kung tunay at malalim ang ating pagninilay at panalangin, nilinis at pinalinaw nito ang ating mga mata, upang makita natin ang mga dapat nating makita.


Tama na ang pagbubulag-bulagan at pagbobola-bolahan. Gawin na ang tama at nararapat bago mahuli ang lahat.


Salamat sa ating ina, mahal nating nanay. Noong Biyernes, nagdiwang ang aking mahal na inang Natividad ng kanyang ika-92 kaarawan. Salamat sa Diyos sa biyaya ng mahabang buhay at kalusugan na binigay Niya kay Nanay Naty. Happy Birthday sa inyo mahal kong nanay. Salamat sa inyong pag-aaruga at walang sawang pagmamahal.


Samantala, inilibing din noong Sabado ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio. Maalala sa nagkalat na mga imahe nila sa mga huling sandali ng buhay ng mag-ina kung paano kinapitan at hinding-hindi pinakawalan ng ina ang anak nito. Kamatayan lang ang dahilan ng pagbitiw ni Sonya sa kanyang anak. Ganyan din si Maria kay Hesus — mula sa sabsaban hanggang sa paanan ng krus, siya ay inang palaging nakatayo’t katabi ng kanyang anak.


Ganito ang mga tunay na ina. Tapat, nagmamalasakit, nagmamahal at nagbibigay ng sarili sa anak hanggang sa huling hininga. Ganito ang Inang Kalikasan, Inang Bayan at ang ating sariling ina.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page