Walang dala… ANDREA, TODO-ASA PA RING MAGKAKADYOWA
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 8, 2026

Photo: - Andrea Torres - Instagram
Sinamantala ni Andrea Torres ang isang buwang bakasyon sa Hawaii bago simulan ang taping ng bago niyang seryeng Code Gray (CG) na pinagbibidahan nila ni Alden Richards.
Isa sa mga natupad niyang pangarap doon ang makapag-skydiving.
Bago nagsimula ang taping ay sumailalim muna sa medical immersion ang buong cast upang mas maunawaan at magampanan nila nang mabuti ang kanilang mga papel.
Gamay na ni Andrea ang mga dramatikong role, gaya ng mga nauna niyang proyekto sa GMA-7, kaya handa siya sa anumang hamon na ibibigay sa kanya.
Sa ngayon ay tahimik ang kanyang buhay at wala rin siyang ibinabahaging detalye tungkol sa kanyang love life. Kung may nagpapasaya man sa kanya ngayon, mas pinipili niya itong ilayo sa mata ng publiko.
Sa kabila ng mga pinagdaanang kabiguan sa pag-ibig, nananatili siyang naniniwala na darating ang tamang tao para sa kanya sa tamang panahon.
Elias, safe raw… ELLEN, PABOR NA PAKASALAN NI JOHN LLOYD SI ISABEL
PURING-PURI ni Ellen Adarna ang dyowa ni John Lloyd Cruz (JLC) na si Isabel Santos. Nakikita nito kung paano alagaan ni Isabel ang anak nila ng aktor na si Elias Modesto.
Naniniwala siyang magiging mabuting stepmom ito kay Elias at boto siya kung pakakasalan ito ni JLC.
Hindi na rin siya mag-aalala kapag nasa poder ng aktor si Elias dahil mabait at maalaga si Isabel.
Marami naman ang natuwa nang sama-samang magbakasyon sa Boracay sina Ellen, Isabel, John Lloyd at ang dalawang anak ng aktres. Magkasundo sina Ellen at Isabel kaya naging komportable ang kanilang pagsasama sa nasabing out-of-town vacation.
KINARIR nang husto ni Sugar Mercado ang kanyang pagsali sa Stars On The Floor (SOTF) ng GMA Network na hosted ni Alden Richards.
Nagbunga ang lahat ng hirap at pagod na kanyang pinagdaanan hanggang sa finale ng kompetisyon.
Sobrang proud kay Sugar ang kanyang mga kasamahang Sexbomb Girls. Pinatunayan niyang isa siyang mahusay na dancer kahit wala sa kanyang tabi ang iba pang miyembro ng grupo.
Dahil sa kanyang tagumpay, mas marami pang oportunidad ang nagbukas para sa kanya. Hinangaan din ng marami ang kanyang determinasyon na manalo sa kabila ng injury sa kanyang paa.
HINDI pa magreretiro sa showbiz ang aktor na si Cesar Montano. Ito ang kanyang naging pahayag nang mag-guest siya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Ayon sa aktor, gusto pa rin niyang umarte at may inihahanda na siyang magandang proyekto para sa kanyang pagbabalik sa pelikula.
Habang hindi pa abala sa pag-arte, nabibigyan niya ng panahon ang iba pa niyang interes tulad ng pagpipinta. Kamakailan ay nagkaroon siya ng solo exhibit ng kanyang mga obra. Kumakanta at nagko-compose rin siya ng mga awitin, at mas nasanay na sa isang payapa at hindi gaanong stressful na pamumuhay. Mas naging malapit na rin siya sa Diyos.
Sa dami ng kanyang nagawang pelikula, isa sa mga paborito ni Cesar Montano at pinakatumatak sa publiko ang Muro-Ami. Humakot ito ng 13 parangal sa 1999 Metro Manila Film Festival, kabilang ang Best Picture.
Tanging ang Best Actor award lamang ang hindi nito napanalunan.
Gayunman, ayon kay Cesar, sinabi noon ni Christopher de Leon, na nagwaging Best Actor para sa Bulaklak ng Maynila (BNM), na para sa kanya talaga ang naturang parangal. Labis namang na-flatter ang aktor sa papuring ito mula kay Boyet.





Comments