Walang breakthrough infections ng COVID kung magpapa-booster shot tayo
- BULGAR
- Oct 10, 2022
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 10, 2022
Halos ayaw nang panoorin o basahin ng ating mga kababayan kapag tugkol sa COVD-19 ang pinag-uusapan dahil pakiramdam nila ay paulit-ulit na lamang ang nilalaman at binabalewala na ang kasalukuyang sitwasyong muli na namang tumataas ang mga kaso.
Bahagi ito ng pandemic fatigue na ating nararanasan na halos ayaw nang makaririnig ng babala o paalala ng ating mga kababayan hinggil sa COVID-19 dahil sa sawang-sawa na sila sa kanilang sitwasyon na araw-araw nagsusuot ng face mask.
Dahil may mga bakuna na ang ilan sa ating mga kababayan ay tila nawala naman ang kanilang takot sa COVID-19 dahil naniniwala silang mahahawa sila, ngunit buo rin ang paniwala nilang hindi na sila mamamatay dahil fully vaccinated na.
Maging ang mga kababayan nating ayaw magpabakuna ay nagsilakas din ang loob dahil buong akala nila ay kasama sila sa protektado dahil sa pagbagal na ng hawaan matapos ipatupad ang pagbabakuna sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang pandemic fatigue rin ang isa sa mga dahilan, kaya may pangamba ang mga eksperto na ang buong bansa ay hindi malayong makaranas ng Breakthrough Infections ng COVID-19 sa panahon ng Kapaskuhan.
Kung mangyayari ang pangamba ng Department of Health (DOH) ay posibleng maranasan na naman nating lahat ang kahalintulad na karanasan noong kasagsagan ng pandemya na napakalungkot ng selebrasyon ng Pasko.
Halos nagsisimula na ngang mamili ang ilan sa ating mga kababayan dahil umiiwas na mapamahal kapag malapit na ang Pasko at ang iba naman ay pinaplano na kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na bonus para makapagdiwang lamang ng Pasko.
Ang pangamba ng DOH ay inihayag matapos na makumpirmang ang pangunahing dahilan sa pagtanggi sa booster dose laban sa COVID-19 ng karamihan sa ating mga kababayan ay ang pandemic fatigue mismo.
Ito ang naging paliwanag ng DOH matapos na makapagtala ng napakababang bilang ng mga nagpaturok ng bakuna laban sa COVID-19 sa isinagawa nilang special vaccination days sa ilalim ng kanilang Pinalakas Campaign.
Sa inilabas na datos ng DOH, nasa 109,000 indibidwal lamang ang nagpaturok ng bakuna ng first booster dose sa buong bansa na lubhang napakalayo sa target ng ahensya na 1.9 milyong eligible population.
Kung titingnan natin ang talaan ng DOH, nasa 73 milyong Pilipino na ang fully vaccinated at mahigit sa 19 milyong indibidwal pa lamang ang natuturukan ng unang booster shot.
Lumalabas na katumbas lamang ito ng 24% ng buong populasyon na maaari na sanang tumanggap ng booster shot na isa rin sa nakikita ng DOH kung bakit patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ipinaliwanag mismo ni DOH Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na napakabuti ng naunang serye ng bakuna at natural immunity laban sa COVID-19 at kitang-kita naman ang naging resulta nito sa ating mga kababayan.
Ngunit pinatototohan ng DOH batay sa ebidensya na kailangang-kailangan na talaga ng booster shot ng ating mga kababayan na fully vaccinated na dahil sa humihina na umano ang bisa ng mga bakuna.
Dahil dito ay tumitindi ang pangamba ng DOH dahil sa patuloy na mababa ang vaccination coverage habang tumataas naman ang mobility o mas maraming bilang ng tao na lumalabas ng bahay ngayong ber months at idagdag pa ang pag-uumpisa na rin ng face-to-face classes.
Ayon naman kay Dr. Nina Gloriani Chairperson ng Vaccine Expert panel, posibleng maranasan natin ang breakthrough infections pagdating ng Disyembre na malaking banta na naman para sa mga pagdiriwang.
Ang breakthrough infections umano ay nararanasan ng taong bakunado na, ngunit nahawa pa rin ng COVID-19 at karamihan sa mga ito ay may mild symptoms at mababa ang tsansa na maospital kumpara sa hindi bakunado.
Hindi rin umano imposible na paulit-ulit na mahawa ang bakunado dahil may ilang indibidwal na ramdam na ang paghina ng kanilang bakuna, kaya kailangan ng booster shot para muling mapataas ang antibodies at memory cell sa katawan.
May mga ulat na maging ang mga naunang naturukan ng booster shot ay paulit-ulit ding nahahawa dahil nakararanas na ng paghina ng bisa ngunit wala pa namang anunsiyo ang DOH kung dapat bang magturok ng panibagong booster shot.
Ayon naman sa Octa Research Team ang NCR ang nangunguna ngayon sa may pinakamaraming aktibong kaso na sinundan ito ng mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Bulacan, Laguna at Davao del Sur.
Ang 7 day positivity rate naman ng NCR ngayong unang linggo ng Oktubre ay 19%. na mas mataas ito sa 18.7% positivity rate noong unang linggo ng buwan ng Setyembre.
Siyempre wala naman tayong ibang magagawa kung hindi ang tumulong na kumbinsihin ang mga tao na magpabakuna at kung kumpleto na ang bakuna ay magpa-booster shot pa para hindi na mangyari ang pangamba ng mga eksperto sa DOH ngayong darating na Disyembre.
Sabik na sabik na ang mga kababayan nating magsagawa ng Christmas party at pati ang mga bata ay gustung-gusto nang makita si Santa Claus, makisama naman kayo—magpa-booster shot na!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments