top of page

Wala raw sa script, shocked! SETH, TODO-IWAS SA HALIK NI FRANCINE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 4 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | April 24, 2026



SPECIAL - SETH, TODO-IWAS SA HALIK NI FRANCINE-IG _francinesdiaz

Photo: IG _francinesdiaz



Nagpaliwanag si Seth Fedelin after ng special screening at mediacon ng bagong movie nila ni Francine Diaz na She Who Must Not Be Named tungkol sa controversial ‘kiss’ nu’ng rumampa sila sa Bench Fashion Show.


Ayon kay Seth, binigyan lang sila ng instruction na basta lumakad sa stage at bahala na silang mag-project at kung ano’ng pasabog ang kanilang gagawin.


Hindi naman daw nila napag-usapan ng ka-love team at rumored GF na ring si Francine na magki-kiss sila sa stage, kaya nagulat daw siya sa pa-surprise na halik ng aktres.


Dahil unexpected nga raw ‘yun, medyo umiwas siya sa kiss ni Francine, kaya imbes na sa lips niya tumama ay sa gilid lang ng kanyang labi dumampi ang halik ng aktres.





Ang naisip daw kasi niya that time ay ang nanay ni Francine na baka magalit ito. Hahaha!


Malaki ang respeto ni Seth kay Francine gayundin sa pamilya nito kaya maingat siya hindi lang sa galawan nila kundi maging sa pag-amin sa tunay na estado ng kanilang relasyon para nga naman hindi sila pagpiyestahan ng publiko.


Kaya naman nang matanong sa mediacon ng movie nilang She Who Must Not Be Named at paaminin ng press sa real score sa kanila ni Francine, ang tanging sinabi ni Seth ay “Malayo na sa dati” ang kanilang closeness ngayon, pero ipaubaya na lang daw sa kanila kung anuman ang namamagitan sa kanila ni Francine.


Well, watch n’yo na lang ang movie sa April 29 at kayo na ang magsabi kung ano ba talaga ang real score sa dalawa.


Mula sa direksiyon ni Christopher Novabos, kasama rin sa movie sina Bobby Andrews, Elijah Alejo, Ruby Ruiz, Bernadette Allyson, Kych Minemoto, Kaleb Ong among others.







ANG fresh ni JM de Guzman at halata sa aura niya na masaya siya at walang problema nang humarap sa entertainment press last Wednesday sa back-to-back mediacon ng My Bespren Emman at A Secret in Prague, parehong TV series na magsisimula sa April 27 sa TodoMax Primetime Singko.


Sina JM at Shaina Magdayao ang bibida sa inspirational series na My Bespren Emman kasama ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.


Natanong si JM kung ano’ng mga pinagdaanan niyang struggles habang ginagawa ang MBE.


Pag-amin nito, “Bago pa lang mag-start ‘yung show, to be honest, medyo I’m battling spiritual warfare. Parang I lost my connection with God. I lost my relationship with God. And this show helped me to reconnect with Him.”


Naikuwento nga niya na nang magpunta raw si Direk Derick Cabrido sa condo niya, habang ikinukuwento ang character na gagampanan niya, ang story at back story ng MBE, iyak lang daw nang iyak si JM dahil na-feel niya na timely ang pagdating ng project na ito sa buhay niya.


Dagdag na kuwento ni JM, “Kailangan ko si God, si Emman sa buhay ko ngayon, dahil may mga ups and downs pa rin kahit naka-recover na ako sa past ko. Meron pa rin talagang ibinibigay na misyon sa ‘yo si Emman na hindi mo minsan maintindihan kung bakit paulit-ulit, kung bakit mahirap.


“And ‘yun, nu’ng dumating ‘yung My Bespren Emman sa akin, parang nagkaroon ako ng enlightenment. Nagbago ‘yung pananaw ko lahat ulit. Parang na-realize ko lang na lahat nu’ng pinagdaraanan ko, ‘yung depression, anxiety, ni-lead lang ako dito to prepare me for this show.”


Kaya naman tuwang-tuwa si JM na ganitong klaseng series ang ibinigay sa kanya dahil may malaking impact daw ang kanyang role sa personal niyang buhay ngayon.


Bukod kina JM, Shaina at Ai Ai, kasama rin sa cast ng MBE sina Sid Lucero, Ryrie Sophia, Kit Thompson, Mitch Valdez, Donna Cariaga, TJ Valderrama at Iven Lim, mula sa direksiyon nina Derick Cabrido at Jerome Pobocan.


Co-produced ng Numinous Narratives at Spring Films, mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, at 8:45 PM pagkatapos ng A Secret in Prague (ASIP).





Todo-deny na magka-live-in na sila ni Elle…

DERRICK: SLEEPOVER LANG KAMI! 





MALAKAS ang chemistry on and off-screen ng reel at real-life partners na sina Derrick Monasterio at Elle Villanueva at muli nilang naipakita ito sa latest movie nilang Neophyte 26 na nagkaroon ng special screening last Wednesday night sa Ayala Vertis Mall.


Swak ang tandem nila at kahit alam na magdyowa talaga sila in real life, may kilig ang kanilang mga eksena. Swak ding ka-love triangle nila si Jon Lucas na magaling ding kontrabida.


Kinumusta namin ang relasyon nina Elle at Derrick at tinanong kung may plano na ba silang magpakasal. May bali-balita kasing nagli-live-in na sila.


Si Elle ang unang umaming 4 yrs. na sila ni Derrick pero pinabulaanan niyang nagli-live-in na sila, although wala naman daw siyang nakikitang masama sa ganu’ng setup dahil ‘di naman siya conservative na tao. 


Paliwanag naman ni Derrick, nag-i-sleepover lang sila sa bahay ng isa’t isa kapag may taping, pero hindi pa sila magka-live-in.


Pinag-uusapan na rin naman daw nila ang kasal, pero ang gusto ni Derrick ay makapagpatayo muna sila ng bahay ni Elle bago humarap sa altar. Nakakahiya naman daw kasing makikitira pa sila sa kani-kanilang mga magulang.


Samantala, maganda ang kuwento ng Neophyte 26 na mula sa Empowerment Film Productions. Tungkol ito sa mga estudyanteng napapasama sa fraternity at ang pros and cons na kaakibat nito.


Marami rin ang pumuri sa galing ni Angelica Jones na nakilala man bilang sexy comedienne, ngayon ay panlaban na rin sa drama dahil napakanatural ng kanyang pag-iyak sa movie. 


At kahit ang kanyang unico hijo na si Angelo Alday na introducing sa Neophyte 26 ay nagpakita rin ng acting talent sa drama scenes.


Kasama rin sa pelikula sina Neil Ryan Sese, Andrea del Rosario, Lance Raymundo, Maxine Trinidad, Dr. Ronald Adamat, Mike Lloren, Mosang at Chris Leonardo.

Mula sa direksiyon ni Rommel Penesa, mapapanood na ito sa mga sinehan at ipapalabas din daw sa iba’t ibang schools sa buong bansa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page