Basta love raw niya ang anak… IPE, NA-TRAUMA NA RAW SA GINAWA NI KRIS KAYA TAMEME NA KAY JOSHUA

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 18, 2026

Photo: Philip Salvador at Kris Aquino / IG FB
Bagama’t pinili ni Kris Aquino na huwag nang patulan ang mga taong nanlait sa kanyang anak na si Joshua, marami ang nag-aabang sa magiging reaksiyon ni Phillip Salvador, ang biological father ni Josh.
Bakit daw nananatiling tahimik ang aktor at hindi ipinagtatanggol ang anak nila ni Kris? Marami ang naniniwalang kailangan ngayon ni Josh ang suporta at pagmamalasakit ng kanyang ama.
Well, marami na ang nagpaabot ng pagdamay kay Josh at kumondena sa mga hosts ng podcast na Machong Chismisan. Kasunod nito, na-terminate ang nasabing podcast.
Pero bakit nga ba nananatiling tahimik si Ipe? Tuluyan na ba niyang kinalimutan si Josh?
Well, isang malapit sa aktor ang may paliwanag sa pananahimik nito.
Na-trauma raw ang aktor nang maghiwalay sila ni Kristeta at sinumbatan siya nito in public. Kabisado rin daw ni Ipe ang mood ng Queen of All Media. Ayaw na niyang magkaroon ng panibagong isyu at maungkat muli ang mga dating pangyayari, kaya minabuti niyang manahimik.
Pero alam ng Diyos na mahal niya si Josh at gusto niya itong makasama tulad ng dati. Nami-miss din niya ang anak.
ESPESYAL ang selebrasyon ng Bubble Gang (BG) sa ika-31 anibersaryo nito, na may two-part episodes na ipapalabas sa Oktubre 18 at 25.
Kabilang sa mga surprise guests ang dating cast member na si Wendell Ramos, na matagal ding naging bahagi ng gag show.
Inaasahan ding makakasama sa espesyal na episodes sina Ara Mina, Rufa Mae Quinto, Valeen Montenegro, Sunshine Cruz, Boy 2 Quizon at Antonio Aquitania.
Si Michael V. ang punong-abala sa paghahanda ng special anniversary episodes ng BG.
Samantala, sina Chariz Solomon, Paolo Contis, Betong Sumaya at Kokoy de Santos na matagal nang bahagi ng programa ay gamay na gamay na ang brand of comedy na patok sa mga televiewers.
PROUD na proud ang host ng I Heart PH na si Valerie Tan nang makita niya na pinagkakaguluhan ang wax figure ni Anne Curtis sa Madame Tussauds sa Hong Kong. Maging ang mga foreigners ay pumipila at nagpapa-picture sa wax figure ng aktres.
Bukod kay Anne, may wax figure rin sa Madame Tussauds sa HK sina Pia Wurtzbach, Catriona Gray, Manny Pacquiao at Kathryn Bernardo.
Kaya naman, nag-aanyaya ang Hong Kong Tourism Board sa mga Pinoy na pumasyal sa HK dahil maraming atraksiyon na makikita, kabilang ang Palace Museum, Madame Tussauds, ang fishing village na MA WAN 1868 at ang Ding Ding Foodie Tour. Mas pinaganda rin ang Hong Kong Disneyland.
Ang mga tourist spots na ito ay mapapanood sa travel show na I Heart PH hosted by Valerie Tan sa pakikipagtulungan sa Hong Kong Tourism Board.
Ang I Heart PH ay produced ng TV8 Media Productions at mapapanood na ang Season 11 simula sa October 25, 11:30 AM sa GTV.





Comments