Wala raw breeding… ALEX, ‘DI FEEL NG MGA KAMAG-ANAK NG MISTER
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 14, 2026

Photo: IG / Mikee at Alex
Dumayo kami sa Lipa, Batangas last Sunday sa imbitasyon ng good friend naming si Joel Umali Peña, Lipa City Tourism Council head at isa sa mga owners ng Big Ben Complex.
Tulad nu’ng nakaraang taon, inimbita kami ni Joel para mapanood ang ipinrodyus niyang Sebastian, The Musical na ginanap sa mismong San Sebastian Cathedral sa Lipa.
Umani ng masigabong palakpakan ang cast ng musical play sa pangunguna ni Vince Conrad na gumanap na San Sebastian.
Puring-puri ng mga Lipeños ang napaka-talented group na taun-taong nagtatanghal tuwing nalalapit na ang kapistahan ni San Sebastian. Papasa na kasing mga propesyonal na theater actors ang cast sa galing nilang umarte at ang gaganda ng boses.
Maayos din ang story at script na si Joel din pala ang sumulat at mas na-appreciate ng mga nanood ang presentation this year kesa last year dahil maikli lang ito pero malinaw ang mensahe tungkol sa naging buhay ni San Sebastian kaya siya naging santo at kung bakit ipinagdiriwang ang kapistahan ng tinaguriang Patron Saint of Soldiers.
Nakausap namin si Vince Conrad after ng musical show at nabanggit niyang may kontrata pala siya sa Viva Artists pero nagtapos na raw ito na hindi siya nabigyan ng projects dahil pinipili rin daw niya ‘yung mga naka-align lang din sa kanyang values at hindi naman puwede sa kanya ang mga sexy roles.
Sa ngayon, naghahanap daw siya ng bagong manager na puwedeng mag-manage sa kanyang career. At dahil guwapo at talented naman siya, right break and time lang siguro ang kailangan para makapasok siya sa showbiz.
Anyway, after naming manood ng Sebastian, The Musical, nag-dinner muna kami bago bumalik ng Manila. May nakakuwentuhan kaming ilang Lipeños at nagulat kami sa chikang narinig namin.
Hindi naman paninira ang dating sa amin ng kuwentong hindi pala nagugustuhan ng ilang kamag-anak ni Lipa Vice-Mayor Mikee Morada ang ugali ng kanyang misis na si Alex Gonzaga kundi pamumuna lang daw ito sa aktres-TV host para malaman niyang may ilang nao-offend sa kanyang pagka-jologs at ugaling-kalye kahit pa raw nasa formal occasion siya.
Ayon sa aming kausap, mabait naman daw si Alex kapag kaharap ang mga kamag-anak ni Mikee, pero ‘yung kawalan nga lang daw nito ng breeding ang inaayawan sa kanya.
Well, naturalesa na kasi talaga ni Alex ang pagiging makulit at galawgaw, pero ‘yun nga, hindi naman lahat ng tao ay makakaunawa sa kanya. Kahit naman ang kanyang Mommy Pinty at Ate Toni Gonzaga, paulit-ulit na rin siyang pinagsasabihan, so siguro, kailangan na talagang makiramdam nang mabuti si Alex kung paano siya kikilos at magsasalita depende sa kanyang mga kaharap.
Well, next week ay makikipiyesta uli kami sa Lipa para naman sa kanilang Rigodon de Honor at para manood ng parada. Makita kaya uli namin ang mga celebrities na taga-Lipa na sumama last year ngayong tapos na ang campaign period?
Itsitsika namin sa inyo next time. Okidok?!
Kahit dinedma raw sa wedding ni Claudia…
DENNIS, SASAMAHAN ULI NG UTOL SA KASAL NI JULIA
Hindi nakatangging magpainterbyu si Gene Padilla after ng premiere night at mediacon ng pelikulang Breaking The Silence kung saan isa siya sa cast.
First time na nakorner ng entertainment press si Gene matapos ang controversial issue sa kasal ng pamangkin niyang si Claudia Barretto kay Basti Lorenzo last year.
Inamin ng younger brother ni Dennis Padilla na simula nu’ng matapos ang kasal ni Claudia hanggang ngayon, hindi pa rin nagkaroon ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang pamilya.
Pero tahimik naman na raw silang pare-pareho at hindi pa rin naman sumusuko si Dennis sa panunuyo sa mga anak kahit walang reply ang mga ito, dahil bali-baligtarin man ang mundo, magkakadugo sila. Hangad din niyang maayos ang relasyon ng kapatid sa mga anak sa tamang panahon.
Payo nga raw niya sa kanyang kuya, “‘Wag mo nang ipilit ang sarili mo, sa tamang panahon, ‘yung gusto mong mangyari na magkaayos kayo, darating ‘yun, ibibigay ng Panginoon ‘yun.”
Wala naman daw siyang sama ng loob sa mga pamangkin na sina Julia, Claudia at Leon, gayundin sa ex-sis-in-law na si Marjorie Barretto at kung sakali ngang magkakasalubong sila, babatiin daw niya ang mga ito.
“Kung babatiin ako, okay, kung hindi ako babatiin, okay,” sabi pa ni Gene.
Natanong nga si Gene kung sakaling si Julia naman ang ikasal, pupunta rin daw kaya siya?
Sagot nito, “A-attend ako, kahit ‘di ako imbitado, a-attend ako. Kahit ‘di ako pansinin lahat, wala akong pakialam. Basta isinama ako ng kapatid ko, sasamahan ko pa rin siya. Kasi dugo pa rin namin ‘yun kahit bali-baligtarin natin.”
Samantala, napapanahon ang mensahe ng pelikulang Breaking The Silence na tumatalakay sa mental health problems lalo na ng mga kabataan dahil sa bullying, family issues, depression at kung anu-ano pang factors.
Mula sa direksiyon ni Errol Ropero at produced ng Gummy Entertainment, bida sa BTS sina Potchi Angeles at Shira Tweg at kasama rin sa pelikula sina Ramon Christopher Gutierrez, Rob Sy, Jeffrey Santos, Pinky Amador, Pekto Nacua, Bugoy Cariño, Mark Herras, Gray Weber (ang cute na ingleserang bagets na anak ng producer ng movie) at Ryrie Sophia.
Walang theatrical release ang BTS at sa halip, sadyang ginawa ito ni Direk Errol para ipalabas sa mga eskuwelahan nang maging aware ang mga guro at estudyante sa parehong private at public schools tungkol sa issue ng mental health.








Comments