Wala nga mailuto ang mga Pinoy sa mahal ng bilihin, magtataas-presyo pa ang LPG!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 2, 2021
SA PANAHON NG PANDEMYA, MAY MAMIMIGAY NG PAGKAIN AT KALENDARYO—Sa panahon na marami ang naghihikahos dulot ng pandemya, namigay ng spaghetti sa mga maralita ang NGO (non-governmental organization), katuwang ang Office of the Vice-President) ni VP Leni Robredo, at sa kabilang banda naman ay namigay ang mga DDS ng mga kalendaryong may nakasulat na “Run Sara Run for President 2022.”
Sana ay pagkain na lang ang ipinamigay ng mga DDS kasi sa panahon ngayon, ang kailangan ng maralita ay mailalaman sa kanilang sikmura, dahil ang kalendaryo ay hindi nakakain, boom!
◘◘◘
MAPUTLA MAN ANG SPAGHETTI NG NGO AT OVP, ANG IMPORTANTE AY NAKAPAGBIGAY NG PAGKAIN SA MGA NAGUGUTOM—Ang spaghetti na ipimigay ng NGO at OVP ay nilait at siniraan ng DDS blogger na si RJ Nieto sa social media, na kesyo maputla ang pagkakaluto.
Dapat yata ay palitan na ni Nieto ang titulo ng kanyang blog kasi hindi ganyan ang kaisipan ng mga Pilipino, dahil ang nasa isip nila sa panahon ng krisis ay bayanihan, na kahit anong tulong ay mahalaga, kung maputla man ang pagkakaluto, ang importante ay may nagbigay ng pagkain sa mga nagugutom, period!
◘◘◘
MAHAL NA NGA ANG PRESYO NG BILIHIN, MAGTATAAS PA NG PRESYO NG LPG—Inaprub ng Department of Energy (DOE) ang hirit ng mga oil company na magtaas ng presyo ng LPG at ang dagdag-halaga ay P2.96 kada-kilo ng LPG.
May pagka-komedyante rin pala ang mga opisyal ng DOE, mantakin ninyo, halos wala na ngang mailutong pagkain ang mamamayan dahil sa sobrang mahal ng presyo ng mga bilihin, nagawa pa nilang aprubahan ang dagdag-presyo sa gas na ginagamit sa pangluto, boom!
◘◘◘
IMBES NA MAGPLANO KUNG PAANO MABIBIGYAN NG WORK ANG MGA NAWALAN NG TRABAHO, DAGDAG-TAX ANG PINAPLANO—Batikos na naman ang inabot ng Duterte gov’t. sa publiko sa sinabi ni Sec. Carlos Dominguez III ng Department of Finance (DOF) na asahan na raw ng mga Pinoy ang mga dagdag-tax next year.
Batikos talaga ang aabutin niya kasi imbes na magplano kung paano hahanapan ng trabaho ang milyun-milyong Pinoy na nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya, eh, kapapasok pa lang ng 2021, ang pinaplano na ay dagdag-tax sa 2022, buwisit!





Comments