Wala man sa rally… ALDEN: MGA PULITIKONG KORUP, MATAKOT KAYO SA DIYOS!
- BULGAR

- Sep 22
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | September 22, 2025

Photo: Alden RIchards - Instagram
Wala man sa Trillion Peso March si Alden Richards, nakiisa siya sa ipinaglalaban ng mga Pilipino.
Nag-post siya ng “Shoutout sa mga pulitikong parte ng kurapsyon (korupsiyon)! Matakot kayo sa Diyos!”
Sinundan ito ng “My heart goes to every Filipino who’s against corruption kasama n’yo ako sa laban na ‘to.”
Hindi nabanggit kung nasaan si Alden kahapon dahil hindi rin siya tumakbo. Ang mahalaga, nakikiisa siya sa ipinaglalaban ng mga Pilipino.
Samantala, sa last Saturday edition ng Stars On The Floor (SOTF), napanood ng mga viewers na umiyak si Alden habang nagho-host. Naalala nito ang namayapa niyang ina na si Mommy Rio.
Umiiyak na sinabi ni Alden, “When you lose a parent, it feels like namamatay ‘yung kalahati ng buhay mo, eh.”
Naka-relate si Rodjun Cruz kay Alden, naluha rin ito at niyakap ang kaibigan.
Pumanaw na rin kasi ang mom nina Rodjun at Rayver Cruz kaya ramdam ni Rodjun ang aktor.
And speaking of Alden, this Monday, mapapanood ang official trailer ng Out of Order (OOO), ang courtroom drama na idinirehe, pinagbidahan at co-producer si Alden Richards.
Sa October 2, 2025, ang simula ng streaming nito sa Netflix.
Ipakulong daw ang lahat ng magnanakaw…
VICE KAY PBBM: SINUSUWELDUHAN KA NAMIN, KAMI ANG BOSS MO!
Ang lutong at paulit-ulit na minura ni Vice Ganda ang mga corrupt sa kanyang speech sa ginanap na Trillion Peso March kahapon sa EDSA People Power Monument.
Nag-sorry muna si Vice sa kasamang pari sa stage bago nagmura.
Sa reaksiyon ng mga tao na tuwang-tuwa, agree sila sa pagmumura ni Vice Ganda.
Nanawagan si Vice na sana, hindi lang kahapon mag-ingay ang mga tao. Huwag daw tumigil sa pag-iingay, sa galit at pagrereklamo hanggang walang nakukulong at hanggang hindi naibabalik sa bayan ang mga perang nakulimbat.
May mensahe rin si Vice kay President Bongbong Marcos.
“Kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw. Nakatingin kami sa ‘yo, Pangulong Bongbong Marcos — hindi dahil idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan namin na tutuparin mo ang inuutos naming mga employer mo.”
Kasama ni Vice sa rally kahapon sina Jasmine Curtis-Smith, Donny Pangilinan, Darren Espanto, Ion Perez, Cristine Reyes, Iza Calzado at Anne Curtis.
Marami pang celebrities na naki-rally na ikinatuwa ng mamamayan dahil ibig sabihin, galit na rin sila sa talamak na korupsiyon sa bansa.
HINDI lahat ng celebrities ay nasa Baha sa Luneta sa Rizal Park at Trillion Peso March sa EDSA People Power Monument kahapon. Ang iba, kabilang si Dingdong Dantes, idinaan sa pagtakbo ang kanilang protesta.
Ang post nga ni Dingdong, “Not our usual Sunday run. Today, our small community gathered not just for distance, but with prayer and intention. We hoped. We dreamed. For a corrupt-free Philippines. For accountability from those who have stolen from us. And for those attending the big rallies, we lifted them up in prayer as well. We each have different ways of expressing our grievances and hopes. Today, this was ours.”
Kasamang tumakbo ni Dingdong sina Kim Atienza, Jerald Napoles, Benjamin Alves, Kim Molina atbp..
Iba’t ibang mensahe ang nakasulat sa kanilang suot na t-shirt at iisa ang tema — matapos na ang korupsiyon sa bansa.
Samantala, nakikiisa ang AKTOR (League of Filipino Actors) na pinamumunuan ni Dingdong sa laban sa korupsiyon.
“Nakikiisa ang @aktorph sa mapayapa’t makabuluhang pagtitipon ng Sambayanan laban sa korapsyon. Kami’y naninindigan na dapat panagutin ang mga salarin na patuloy na inilulubog ang bayan sa baha ng pagkalugmok, at palakasin ang mga institusyong mag-aangat sa kinabukasan ng bawat Pilipino.”
Close kay Sen. Imee…
CRISTINE, BUMABAWI LANG DAW KAYA SUMAMA SA RALLY
MAY isyu ang ilang mga netizens sa pagsama ni Cristine Reyes sa Trillion Peso March kahapon dahil close siya kay Senator Imee Marcos at gumanap pa siya sa karakter ng senadora sa mga pelikulang Maid in Malacañang (MIM) at Martyr or Murderer (MOM).
Kaya nang may nag-comment na redemption era ni Cristine ang pagsama sa rally, may mga nag-react. Baka impluwensiya lang daw ‘yun ng rumored boyfriend niyang si Atty. Gio Tingson na involved sa Angat Buhay at supporter ni Naga City Mayor Leni Robredo.
Pakikiramdaman pa raw nila si Cristine Reyes sa mga susunod na araw kung bukal sa loob niya ang pagsama sa panawagan na parusahan at ikulong ang mga korup na nagpapahirap sa taumbayan.








Comments