‘Wag samantalahin ang Alert Level 2, mag-ingat pa rin!
- BULGAR
- Dec 11, 2021
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 11, 2021
Magkakasunod ang magagandang balita na natatanggap natin bago pa tuluyang matapos ang taon.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 23 mataong siyudad sa bansa ang mayroon nang herd immunity, kung saan 70 porsiyento o higit pa ng kanilang populasyon ay kompleto na ang bakuna kontra COVID-19.
Ilang araw na ring mababa ang kaso ng COVID-19, hindi tulad noon na inaabot ng libu-libo ang positibong kaso nito sa bansa kada araw.
Ayon pa sa OCTA Research, “very low risk” na rin ang COVID-19 sa Metro Manila.
Samantala, noong Nobyembre, iniulat ng gobyerno na nasa 94 porsiyento ng populasyon ng Metro Manila ay kompleto na ang bakuna, kung saan milyun-milyon ang nabakunahan sa tatlong araw ng pambansang pabakuna na isinagawa ng gobyerno.
Pero sa kabila ng magagandang balita, walong Pinoy na mula South Africa ang tila sinadyang magbigay ng maling impormasyon nang sa gayun ay hindi sila mahanap o ma-contact ng kinauukulan.
Bagama’t nahanap ang isa, pito pa ang hindi mahanap. Marahil, iniiwasan ng mga ito na ma-quarantine. Pero sa anumang dahilan, napaka-iresponsable naman ng dahilang ito.
Kaugnay nito ay pinag-aaralan na kung kakasuhan ng kriminal ang walong manlalakbay kapag napatunayang nagbigay nga sila ng maling impormasyon sa gobyerno. Hiling lamang natin na wala sana silang dalang Omicron variant.
Isa pa sa mabuting balita na natatanggap natin ngayon, hindi umano malubha ang impeksiyong dulot ng Omicron kumpara sa Delta, kung saan ang mga bakuna ay malaki ang chance na hindi madale o lubhang maapektuhan nito.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 2 pa rin ang Metro Manila hanggang Disyembre 15.
Bagama’t mas maluwag na, dapat pa rin tayong mag-ingat. Anuman ang level alert ay hindi pa rin dapat nawawala ang pagsusuot ng facemask, regular na paghuhugas ng mga kamay, pag-inom ng mga vitamins, pag-iwas sa mataong lugar at hindi paglabas ng bahay kung hindi kailangan o wala namang importanteng pupuntahan. Tandaan, hindi pa lubusang nawala ang COVID-19 sa buong mundo at milyun-milyon pa rin ang hindi nababakunahan.








Comments