top of page
Pokwang.jpg

‘Wag patagalin ang ayuda sa mga nasalanta ng sakuna

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 16, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 16, 2020


Ilang araw matapos ang pananalasa ng serye ng bagyo, pataas nang pataas ang bilang ng mga naapektuhang pamilya.


Bagama’t humupa na ang baha sa ilang lugar, marami pa rin ang mga umaapela ng tulong.


Gustuhin mang tugunan ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang pangangailangan, iisa lang ang tanong — saan kukuha ng pondo?


Ang ibang lokal na pamahalaan, ubos na ang pondo dahil nagamit na sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.


Kaya ang ending, sa nasyonal na pamahalaan humihingi ng tulong.


Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na pondo para sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.


Ayon sa ahensiya, umabot sa mahigit P1.4 bilyon ang nakahandang pondo na gagamitin para sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong pamilya sa Region 5, Region 4A at iba pang lugar.


Mula sa National Resource Operation Center ng DSWD, nakapagbigay na sila ng 1,000 family food packs at kits bilang karagdagang tulong sa Bgy. Silangan, Quezon City, 1,400 family food packs sa Marikina City, 2,000 family food packs sa San Mateo, Rizal; 3,300 sa Legazpi, Albay; 1,700 sa Camarines Norte, 1,000 sa Urdaneta City, sa Region 2 at Region 3.


Patuloy naman ang repacking ng mga relief packs na ipamimigay sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.


Samantala, nagpapasalamat ang ahensiya sa Department of Budget and Management dahil na-replenish ang Quick Response Fund na aabot sa P888 milyon at ang stock pile fund na aabot naman sa mahigit P600 milyon na ibibigay sa LGUs na nangangailangan ng tulong.


Hangad nating maipamigay agad sa mga nasalanta ang tulong na kailangan nila.


‘Wag nang patagalin ang pamamahagi ng ayuda kung kaya naman itong ipamigay nang mabilis.


Panawagan sa mga kinauukulan, tiyaking mapupunta sa karapat-dapat ang pondong ito at hindi sa bulsa ng mga buwaya.


Ngayon natin ipakita ang tunay na malasakit sa taumbayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page