‘Wag matakot na magpabakuna, magkusa tayong tumulong upang labanan ang COVID
ni Ka Ambo - @Bistado | March 24, 2021
Ibinaba na sa mga LGUs ang mga pagbabakuna sa mga frontliners gamit ang Sinovac at AstraZeneca.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
BILANG operational manager ng Baldoz Medical Clinic sa Villamor Air Base sa Pasay City, maayos kaming nabakunahan gamit ang AstraZeneca kahapon.
Kasama ko na nagpabukana rin ang aking misis na si Dra. Myrna at ang isa sa aming medical staff na si Mollet.
Siyempre, lahat kami ay frontliners!
◘◘◘
MALUWAG ang espasyo at open air sa vaccination center sa Pasay City West School sa likod ng Pasay City at sa T. Paez School sa Malibay.
Maaayos, magalang at sistematiko ang diskarte ng mga personnel na nangangasiwa sa vaccination centers!
◘◘◘
MALINAW na inaasikasong mabuti at hindi nasayang ang ipinadalang COVID vaccine sa LGU ng Pasay City.
Tinuturukan nang maayos ang mga frontliners ng mga tauhan ni Mayor Emy Calixto!
◘◘◘
SA totoo lang, malalim akong nag-isip kung magpapabakuna o hindi dahil sa lihim kong alalahanin batay sa nababasa kong impormasyon sa media.
Aktuwal kong napatunayang “mali” ang impresyon na naihahatid ng impormasyon mula sa social media, mainstream media at ilang tagapagsalita ng mga awtoridad!
◘◘◘
IPINALILIWANAG mabuti ng vaccine personnel ang proseso at kung ano ang epekto ng COVID vaccine.
At batay na rin sa personal nating pagsasaliksik at mismo mula sa karanasan ni Dra. Myrna na isang general physician ay nakatutulong ito upang mawala ang takot sa pagbabakuna!
◘◘◘
NILILINAW na may side effects talaga ang vaccine dahil tulad din ito ng iba ring vaccine at gamut.
Ibig sabihin, normal lang ang side effects sa alinmang bakuna!
◘◘◘
ANG mga lalabas na side effects ay may kaukulang gamot o remedyo kaya’t walang dapat ikatakot ang mga magpapaturok.
Halimbawa, nakaranas ang medical staff naming si Mollet ng sinat o banayad na lagnat at init ng pakiramdam.
Bagaman ipinapayo na uminom ng paracetamol, mas pinili ni Mollet na hindi na lang uminom—dahil maaayos naman ang kanyang pakiramdam sa loob ng unang 24-oras!
◘◘◘
SINOVAC ang itinurok kay Mollet dahil may edad siyang 49.
Pero, sa tulad kong 62-anyos at ang misis ko na 60-anyos ay ipinayo na AstraZeneca ang iturok.
Batay sa datos, ang AstraZeneca ay angkop sa kahit anong edad at sa totoo lang, epektibo rin ito kahit may ibang karamdaman ang gagamit nito!
◘◘◘
SA una ay ninenerbiyos ako kaya’t bahagyang tumaas ang blood pressure ko pero nakalmante rin naman ako bago magpaturok.
Matapos maturukan, inoobserbahan ang mga resipyente nang 15 minuto at panibagong 30 minuto kung makararamdam ng “adverse effect” o anumang side effects.
Sa unang 10 ng naturukan, kasama kaming mag-asawa—wala isa mang nakaranas ng side effect o kahit lagnat o panghihina kaya’t umuwi kami nang maayos!
◘◘◘
INILALARAWAN natin ang personal na karanasang ito upang imulat ang buong populasyon na ligtas ang mga bakuna na itinuturok ng mga awtoridad.
Maingat na maingat nilang inoobserbahan, iniinterbiyu at minomonitor ang bawat resipyente at mismo ang proseso sa vaccination!
◘◘◘
SA tingin natin, isa ang Pasay City sa may maayos na proseso ng vaccination.
Malaking tulong ito upang mapababa ang bilang ng mga nagpo-positibo sa COVID!
◘◘◘
HINDI dapat matakot ang mamamayan na magpabakuna, dapat magkusa tayong tumulong upang labanan ang COVID.
Pinakamahalaga, walang bayad ang pagbababakuna sa mga frontlines.
Nagpapasalamat din tayo sa mahuhusay, at mababait na vaccination personnel sa Pasay City!





Comments