top of page
Search
  • BULGAR

‘Wag madaliin ang lahat, tamang alalay muna!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 24, 2021



Habang unti-unti nating ibinabalik sa normal ang ating buhay at pinasisigla ang ekonomiya, hindi natin dapat pinababayaan ang kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na iyong pinaka-apektado ng pandemya. Kaya naman, patuloy tayong naninindigang hindi muna dapat natin luwagan ang kasalukuyang community quarantine status sa Metro Manila at sa buong bansa patungong MGCQ upang maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19, habang hindi pa nag-uumpisa ang vaccine rollout.


Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na huwag muna gawing MGCQ at huwag muna payagan ang face-to-face classes kung wala pang vaccine rollout. Delikado pa kasi ang panahon. Naninigurado ang Pangulo dahil sa bawat desisyon na gagawin natin ay buhay ang nakasalalay dito. Puwede namang next regular opening ng school year sa July o kapag ligtas na.


Kaunting tiis nalang. Kaysa magmadali tayong ibalik ang dati, mas paigtingin nalang muna natin ang pag-iingat at patuloy tayong mag-adapt sa ‘new normal’ habang hindi pa tayo nababakunahan.


Ginagawa natin ang lahat para masigurong may sapat, ligtas at epektibong bakuna tayo laban sa COVID-19 para sa mga Pilipino. Ilang araw nalang naman ang hihintayin natin. Huwag na nating isugal muna ang buhay ng ating kapwa hangga’t sigurado tayong ligtas na.


Upang masolusyonan ang mataas na presyo ng mga bilihin, hinihikayat ko ang gobyerno na aksiyunan agad ang suliraning ito. Tulad ng sabi ng Pangulo, no Filipino should be left behind towards full recovery.


Natutuwa tayo kay P-Digong dahil sa pagpasa niya ng Executive Order No. 124 na layuning pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Umapela rin tayo kay Agriculture Secretary William Dar, Trade Secretary Ramon Lopez at sa mga pribadong sektor na i-monitor ang presyo ng pagkain at magtulungan upang maiwasan ang gutom.


Intindihin nating maraming nawalan ng kabuhayan at lahat ‘yan ay may pamilyang pinapakain. Patuloy ang panawagan natin sa Department of Agriculture na maglatag ng long-term solutions to achieve food security.


Tandaan, ang buhay natin ay babalik sa normal kapag tapos na ang pandemya. Ang pera ay kikitain kung magsisipag tayo. Ang anumang pagsubok ay malalampasan kung magtutulungan tayo. But a life lost is a lost life forever.


Importante ang buhay ng bawat Pilipino. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang maproteksiyunan at maalagaan ang ating mga kababayan!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page