top of page
BIDA - “NOT TODAY SATAN” TOTE BAG NA IFINLEX NI DENNIS, SOLD OUT KAHIT MAHAL_IG _dennistri

'Wag kaligtaan ang mga biktima ng bagyong Odette, hindi pa panahon!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 24, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 24, 2022



Naging matagumpay ang isinagawa nating pagbisita sa mga kababayan nating biktima rin ng Bagyong Odette sa ilalim ng ating Kaagapay sa Araw ng Pangangailangan-Bayanihan Relief (KAP-BR) sa bahagi naman ng Siargao at Dinagat Islands.


Buong maghapon nating inasikaso ang ating mga kababayan noong Huwebes upang tulungan sila na muling makabangon sa kanilang kinasadlakan dahil sa pagkawasak ng kanilang mga tahanan at marami sa kanila ang nawalan ng kabuhayan.


Ang isa sa nagpasaya pa sa napakarami nating kababayan ay dumating si Davao Mayor Sara Duterte at buong maghapon tayong sinamahan sa pamamahagi natin ng tulong at hindi man lamang nagpakita ng kahit kaunting pagod hanggang sa matapos.


Si Mayor Sara na tinanggap ang chairmanship ng Lakas-Christian Muslim Democrats na ating katuwang sa partido ay kasalukuyang tumatakbo bilang pangalawang Pangulo ng bansa kasama ni dating Sen. Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (BBM) bilang Pangulo.


Malaki rin ang naging partisipasyon ng AGIMAT Party List sa pangunguna ng nominee nito na si Bryan Revilla na tumulong din sa isinagawa nating pamamahagi.


Alas-8: 00 ng umaga ay lumipad kami patungong Siargao Sayak Airport, kung saan doon na kami nagkita ni Mayor Sara at bagama’t hindi nakaabot si Vice-Governor Geed Gokiangkee ay naging maayos naman ang inihanda niyang pagsalubong sa atin.


Agad kaming nagtungo sa Dapa Command Center at sa pangunguna ni Pilar Mayor Liza Resurrecion na siya ring LMP President ng Surigao del Norte at aming nai-turn-over ang malaking bahagi ng tulong na aming dala upang maalalayan kaming maipamahagi nang pantay-pantay sa lahat ng nasalanta ng bagyo.


Sinalubong din kami nina Dapa Mayor Elizabeth Matugas, Del Carmen Mayor Proserfina Matugas Coro, Den. Luna Mayor Cecilia Rusillon, San Isidro Mayor Lamberto Domiños, Burgos Mayor Emmanuel Arcena, Santa Monica Mayor Fernando Dolar, San Benito Mayor Ma.Gina Menil at Soccoro Vice Mayor Wilberto Dacera.


Lahat sila ay namahagi ng dala naming ayuda na mahigit sa P11-milyong halaga kabilang na ang 25,000 kilo ng bigas, libu-libong family food packs, at halos 10,000 piraso ng yero na halos 50 tonelada para muling maitayo ang kanilang mga bahay na nawalan ng bubong dahil ito ang kulang na kulang sa kanilang lalawigan.


Bandang alas-12: 00 ng tanghali matapos ang pamamahagi ay muli kaming nagbalik sa Dapa Command Center para sa lunch meeting na dinaluhan ng lahat ng sumalubong na Mayor at tinalakay kung ano pa ang mga pangangailangan para sa mabilis na pagbangon ng mga nasalanta.


Matapos ang naturang meeting at pananghalian ay sumakay naman kami ng chopper patungong Dinagat Island upang magsagawa rin ng pamamahagi sa mga kababayan nating hirap na hirap ding umahon simula nang manalasa rin sa kanilang lugar ang bagyong Odette.


Sinalubong naman kami roon nina Congressman Alan Ecleo at Vice-Governor Nilo Demery at agad naming nai-turn-over ang inihanda naming family food packs, saku-sakong bigas at higit sa lahat ay yero dahil marami ang nagbibigay ng ayuda, ngunit walang nagdadala ng yero na siyang pangunahing kailangan para mabubungan ang mga nawasak na kabahayan.


Nakakatuwa na sa maliit nating paraan ay nadurugtungan natin ang kanilang pangangailangan at kitang-kita sa ngiti ng ating mga kababayan ang panibagong pag-asa lalo pa at naramdaan nila ang presensiya ng inyong lingkod at ni Mayor Sara.


Matapos ang halos kalahating araw na pamamalagi namin sa Dinagat Island ay muli kaming sumakay ng chopper pabalik ng Siargao Airport at doon ay nagpaalam na kami sa mga umalalay sa amin at bumalik na ng Maynila.


Alam naman nating lahat na ang super typhoon na si "Odette" ang ika-15 bagyong tumama sa bansa noong nakaraang taon at maituturing na pinakamalakas sa mga nagdaang bagyo noong 2021 na nag-landfall noong Disyembre 16 ng alas-1:30 ng hapon sa mismong Siargao Island.


Tulad ng nangyari sa malawak na bahagi ng Leyte na grabeng nasalanta noong Nobyembre 8, 2013 ng Bagyong Yolanda na inabot ng napakaraming taon bago tuluyang nakatayo kahit paano at hanggang ngayon ay napakarami pa rin ng mga gawain.


Ito namang mga naging biktima ng Bagyong Odette ay tila nakararanas na nang paghupa sa init ng mga pangyayari, partikular sa mga kababayan nating naninirahan sa mga lugar na hindi naapektuhan ng bagyo ay tila unti-unti nang nakakalimot at bumabagal na ang pagdating ng mga tulong.


Kaya heto ang inyong lingkod kahit paulit-ulit tayo sa pagbalik sa mga nasalantang lugar ay hindi tayo nagsasawa dahil nakita ng dalawang mata natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan kaya sana ay huwag tayong magsasawa sa pagtulong dahil mahaba-habang bayanihan pa ang ating kailangan.


Pakiusap lang, huwag sana nating makaligtaan ang mga biktima ng Bagyong Odette, hindi pa panahon!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page