‘Wag hintaying may panibagong sakuna pang dumating, umaksiyon na tayo ngayon!

Patuloy ang serbisyo upang magbigay-tulong at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati!
Matatag at permanenteng evacuation centers, itayo!
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 20, 2020
Sa loob lamang ng dalawang buwan, pitong tropical cyclones ang tumama sa Pilipinas. Maliban dito, may kinakaharap din tayong pandemyang dala ng COVID-19. Ang sunud-sunod na mga krisis ay tunay na sumusubok sa ating katatagan bilang isang bansa.
Sa gitna ng mga ito, nasubok ang kahandaan ng ating imprastruktura na tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Nakita nating hindi sapat ang ating evacuation centers upang magsilbing panandaliang tahanan tuwing may sakuna.
Kaya naman, sa kanyang Talk to the People address noong Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na panahon na upang magtayo ng matatag at permanenteng evacuation centers sa iba’t ibang parte ng bansa.
Kaisa tayo ng Pangulo sa panawagang ito. Sa katunayan, matagal na nating itong minumungkahi. Nagpasa ang inyong lingcod ng panukalang-batas, ang Senate Bill No. 1228, na layuning magtayo ng mandatory evacuation centers sa bawat siyudad, munisipyo at probinsiya sa buong bansa.
Sa mga evacuation centers na ito, dapat may mga komportableng higaan, malinis na comfort rooms, maayos na sanitation at kumpletong pasilidad at kagamitan. Hindi lang dapat ito lugar na pansamantalang masisilungan, tulad ng classrooms o gym. Dapat ito ay lugar na siguradong matibay na mapoprotektahan, maaalagaan, at matutulungan ang ating mga kababayan na makabangon muli.
Dapat mayroon ding health safety officer ang bawat evacuation center upang matulungan ang mga local government units na maalagaan ang mga evacuees, lalo na ngayon na may pandemya pa tayong hinaharap. Dapat siguraduhing masunod ang health and safety protocols tulad ng social distancing — iwasan ang pagkadikit-dikit ng mga tao — para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Huwag hintaying may panibagong sakuna pang dumating. Umaksiyon na tayo ngayon upang maprotektahan lalo ang buhay ng bawat Pilipino.
Sa gitna ng mga pagsubok na kinaharap ng ating bansa nitong nakaraan, napatunayan pa rin ng gobyerno na nananatili itong “in control” sa sitwasyon. Sa katunayan, bago pa man tumama ang mga bagyo sa bansa, kumpleto na sa direktiba at paalala si Pangulong Duterte sa mga ahensiya ng gobyerno.
Samakatwid, hindi kailangang hanapin ang Pangulo sa mga panahong iyon dahil alam na ng bawat isa ang gagawin upang tumugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan. Hindi ba’t ‘yan ang senyales ng epektibong liderato: Iyong hindi na kailangang pukpukin pa ang kanyang mga tao para kumilos?!
Kung puro batikos, paninira at intriga ang mga kritiko nitong may problemang kinakaharap ang bansa, kami naman ni Pangulong Duterte, tulong, aksyon at serbisyo ang inaatupag namin dahil ‘yan ang mga kailangan.
Positibo tayong kayang-kaya na makabangon ng mga Pilipino mula sa COVID-19 at iba pang mga krisis kung magkakaisa tayo. Mahirap man ang pinagdadaanan, nagsisilbing inspirasyon ang bawat Pilipino na pinagsiserbisyuhan.
Patuloy tayong umiikot at bumibisita sa lahat ng mga Pilipinong nangangailangan sa abot ng ating makakaya.
Bukod sa tulong, gusto natin silang mapasaya. Kahit saang sulok ng Pilipinas — nasunugan, tinamaan ng lindol, apektado ng pagputok ng bulkan, nabahaan, lahat ng klaseng krisis — pupuntahan tayo para pakinggan ang hinaing, makapagbigay ng tulong o solusyon sa inyong pang-araw-araw na suliranin, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments