top of page

‘Wag hintayin ang dengue outbreak, puksain ang mga lamok!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 3
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 3, 2025



Boses by Ryan Sison

Taun-taon, paulit-ulit tayong sinasabihan sa panganib na dala ng dengue. Ngunit tila ba hindi natututo ang marami sa atin, na nagiging pabaya at nakakalimutan nang mag-ingat. Hindi na naglilinis ng paligid, hinahayaan ang stagnant water, at hindi agad nagpapakonsulta kapag nakaramdam ng sintomas ng sakit.


Ngayon nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng sumiklab ang isang malaking dengue outbreak sa 2025. Hindi na ito simpleng babala, kundi isang prediksyon na may matibay na basehan.


Ang tanong, hahayaan ba nating lumala ito bago tayo kumilos? Sa bawat taon ng kapabayaan, mas dumarami ang nagkakasakit, mas napupuno ang mga ospital at mas nadaragdagan ang bilang ng namamatay. 


Ang dengue ay hindi simpleng lagnat – isa itong sakit na maaaring humantong sa komplikasyon at pagkawala ng buhay. Kaya’t sa halip na hintayin ito mangyari, dapat na tayong kumilos at maging alerto.


Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, malaki ang posibilidad ng outbreak ngayong taon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso. Mula Enero 1 hanggang Marso 15, 2025, naitala na ang 76,425 kaso ng dengue, isang napakalaking increase mula sa 42,822 kaso noong 2024.


Batay sa datos, ang Calabarzon ang may pinakamataas na kaso na umaabot sa 15,108, sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 13,761, at Central Luzon na may 12,424 na kaso. Bagama’t mababa ang case fatality rate sa 0.41%, hindi ito dahilan upang magpabaya.


Kaya patuloy na pinaaalalahanan ng kagawaran ang publiko tungkol sa sintomas ng dengue. Kabilang dito ang mataas na lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, matinding sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkakaroon ng rashes. Sa karamihan ng kaso, ang mga sintomas ay lumilitaw apat hanggang 10 araw matapos makagat ng lamok at maaaring tumagal ng dalawa hanggang pitong araw. Kahit na marami ay gumagaling nang kusa, may ilang nagkakaroon ng severe dengue na posibleng ikamatay kung hindi maagapan. 


Sa mga nagdaang taon, nagkakaroon ng dengue outbreak tuwing tatlo hanggang limang taon, at ang huling outbreak ay noong 2019. Dahil dito, sinasabing ngayong 2025 na ang susunod na cycle ng outbreak.Kaya’t ano ang dapat nating gawin? Hindi sapat na umasa lamang sa mga kampanya ng gobyerno, kailangang magsimula sa atin mismo ang pagiging responsable at pag-iingat. 


Siguraduhing walang naiipong tubig sa ating mga tahanan, gumamit ng insect repellent, at agad na magpakonsulta sa doktor kung may nararamdamang sintomas. 

Sundin din natin ang 4S ng DOH, search and destroy, secure self-protection, seek early consultation, and say yes to fogging. 

Mas mabuti nang maagap kaysa magsisi sa huli. Sa isang sakit tulad ng dengue, bawat simpleng pag-iingat ay maaaring makaligtas ng buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page