‘Wag gipitin ang 4PS member na ‘di pa ready magpabakuna
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 11, 2021
Huwag naman sana nating parusahan ang mga tumatanggap ng 4Ps na hindi pa ready magpabakuna.
Hindi vaccine hesitancy o brand preference ang tunay na isyu, kundi ang access sa bakuna. Ang totoong problema, walang access sa bakuna ang mga lokal na pamahalaan at private sector — dagdag pa riyan ang shortage ng supply.
Ang dahilan kung bakit mababa pa rin ang percentage ng mga nabakunahan ay dahil na rin sa operational lapses ng DILG, DOH at IATF pagdating sa supply ng bakuna, logistics storage, distribution at kung paano ang gagawin sa malapit nang ma-expire na vaccines.
Kung patuloy ang vaccine hesitancy o pagiging alanganin, lalo na sa mahihirap, ibig lang din nitong sabihin na hindi nakokontra nang maayos sa pamamagitan ng information at education campaign ang disinformation na kumakalat hinggil sa kaligtasan ng bakuna.
☻☻☻
Sa usapin naman ng face shields, matagal na nating kinikuwestiyon ang practicality ng face shields bilang government policy, at paulit-ulit na nating sinasabi na “walang scientific basis” para gawin itong mandatory.
Dapat matagal na nilang binawi ang order. Kaya maraming nagtataka kung bakit ba natatagalan ang IATF sa pag-lift ng direktiba.
Naiintindihan natin ang mandatory use ng face shields sa mga critical areas, tulad sa mga ospital, pero huwag natin itong gawing komplikado. At sana, kasabay din ng pag-alis ng mandatory use ay ang pag-amyenda ng mga ordinansa may nakatakdang parusa sa mga hindi susunod.
☻☻☻
Tunay bang handa na ang National Capital Region sa pagbaba sa Alert Level 2 status?
Maayos na ba ang mekanismo natin para masigurong nakasusunod ang mga negosyo, lalung-lalo na ang mga establisimyento, tulad ng mall at restaurant, sa pagsunod sa mga protocol?
Hindi na natin masusustentuhan ang isa pang lockdown, kaya’t dapat maging masigasig ang lahat nang masigurong mananatiling mababa ang transmission ng COVID-19.
Huwag maging kampante. Kung maaari mayroon sanang “compliance marshals” para lang paulit-ulit na paalalahanan ang mga tao at bantayan ang pagsunod sa mga health at safety protocol.
Huwag nating sayangin ang ating mga napagtagumpayan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-pahalaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments