top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

'Wag daw iasa lahat sa MTRCB… CHAIR LALA: MGA MAGULANG, BANTAYAN ANG MGA ANAK SA MGA PINAPANOOD

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 8, 2022
  • 2 min read

ni Janiz Navida - @Showbiz Special | December 8, 2022



Nilinaw at binigyang-diin ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio na ang trabaho ng kanilang ahensiya ay mag-classify o mag-categorize at magbigay ng ratings sa mga TV shows at pelikulang sumasailalim sa kanila para ma-review at hindi censorship tulad ng inaakala ng marami.


Sa matagumpay na launching ng MTRCB sa seminar na pinamagataang Usapang Responsableng Panonood (RP) at Parental Controls na ginanap sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City nu'ng Martes nang hapon, inamin ng pamunuan ng ahensiya na sa pagsulpot ngayon ng mga online streaming platforms, bukod pa sa YouTube at ibang social media apps, napakaimposibleng mabantayan nila ang lahat ng napapanood lalo na ng mga bata na kanilang pinoprotektahan laban sa karahasan at seksuwal na panoorin na makakaapekto sa kainosentehan ng isip ng mga ito.


Kaya naman ang naturang seminar na nasa ilalim ng Responsableng Panonood Program na siyang orihinal na ideya ni Chair Lala at resulta ng patuloy na adbokasiya ng ahensiya ay naka-focus sa empowerment ng Filipino viewers sa pamamagitan ng media at digital literacy.


Sa kanyang pagtalakay sa Responsableng Panonood, ibinahagi ni Chair Lala ang gampanin ng mga magulang sa paghubog ng kamalayan ng mga kabataan.


Binigyang-diin niya na ang MTRCB ay nariyan upang magbigay ng gabay sa pamamagitan ng MTRCB ratings at klasipikasyon, subalit ang mga magulang pa rin ang may responsibilidad na gumabay sa kabataan.


At kaugnay nito, isa sa mga tampok na parte ng programa ay ang discussion ni Ginoong Ruben Hattari, ang Southeast Asian Director of Public Policy ng Netflix, sa in-app at web-based parental control features na siyang maaaring magamit ng mga magulang upang mas paigtingin ang pagbabantay sa pinanonood ng mga kabataan.


Sa mga susunod na MTRCB Usapang RP at Parental Controls event, inaasam ng Board na makipagsanib-puwersa sa iba't ibang video on demand providers, lokal man o foreign, upang ma-highlight ang kanilang sariling parental control features na may layuning protektahan ang kanilang mga subscribers.


Kinumpirma naman ni Chair Lala na nakikipag-collab na ang kanilang ahensiya sa mga senador natin tulad nina Sen. Grace Poe at Sen. Robin Padilla upang maipasa ang batas na magbibigay ng power at authority sa MTRCB para ma-regulate rin ang mga videos na lumalabas sa online platforms.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page