Oks lang na laglag sa National Artist… “THERE’S SO MUCH IN LIFE” — GOV. VILMA

ni Julie Bonifacio @Winner | September 22, 2026

Photo: IG _rosavilmasantosrecto
Hindi nagkait ng kanyang reaksiyon si Batangas Governor Vilma Santos-Recto pagkatapos tanungin sa ‘di pagkakasama ng pangalan niya sa mga napiling National Artist for this year.
Sa true lang, ang haba na ng usaping National Artist kay Star for All Seasons. Kahit si Ate Vi ay ramdam din ito.
“Alam n’yo po, ‘yung pagiging National Artist, napakatagal na pong isyu niyan. Ahh, kasali tayo, hindi ka kasali, ‘di ba?” bungad ni Ate Vi.
Pagpapatuloy niya, “But again, at the end of the day, ang prinsipyo ko na po kasi ever since is… my Vilmanians, my friends, you know, ang prinsipyo ko po sa buhay — if it’s meant to be, it’s meant to be. If it’s for you, it’s for you.”
Hindi man daw siya napili, “It’s fine with me,” hirit pa ng aktres-gobernadora.
Paliwanag ni Ate Vi, "Sa animnapu’t tatlong [63] taon ko sa industriya, palagay ko naman, ‘yung ibinigay, ang ibinalik sa akin ng industriya ay malaking regalo na para sa akin.
“Siguro lang, at this point in time, masyado lang naging maingay itong huling selection ng National Artist.
“But with utmost sincerity, I’d like to congratulate all our National Artists. Si Bing Lao, naging scriptwriter ko rin.
“Huwag na, masyado na… when we talk about this National Artist issue, meron lang mga nangyayari na below the belt.
“Hindi na natin dapat patulan. There’s so much more in life! You get my point? There’s so much more in life.”
Nakunan ng pahayag si Gov. Vi sa screening ng Philippine premiere ng restored version ng pelikula niyang Sister Stella L. bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month (PFIM).
Naging emosyonal naman si Gov. Vi habang pinapanood ang restored version ng Sister Stella L.. Halos lahat kasi ng key personalities sa movie, on and off cam, ay pumanaw na.
Una na ang direktor ng pelikula na si Mike de Leon. Pangalawa, ang Regal matriarch producer na si Lily Monteverde, gayundin ang aktor at direktor na si Tony Santos at sina Anita Linda, Eddie Infante, Ruben Rustia, Adul de Leon at Jay Ilagan.
Present naman during the special screening ng restored version ng Sister Stella L. ang iba pang kasama ni Gov. Vi sa pelikula na sina Direk Laurice Guillen, Gina Alajar, Pen Medina at Raquel Villavicencio.
Nandoon din ang manunulat na si Pete Lacaba, musical composer na si Ding Achacoso, at iba pang behind the camera ng Sister Stella L..
Pagmamalaking kuwento ni Gov. Vi sa ginanap na talkback after ng special screening, take one lang daw ‘yung eksena niya sa ending kung saan nagmo-monologue siya.
Lastly, she’s very honoured na nakagawa siya ng pelikula kahit isa lang under Direk Mike.
At nanghinayang si Gov. Vi na hindi natuloy ang pelikulang gagawin sana ni Direk Mike para kay Don̈a Sisang ng LVN Studio. Si Gov. Vi ang target ni Direk Mike na gumanap bilang Don̈a Sisang.
Sayang.
INI-RECORD ni Regine Velasquez ang Pamana, ang opisyal na theme song ng original series na Honor Thy Mother na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta at Barbie Forteza.
Inilabas ng Star Music ang kanta noong Lunes sa iba't ibang music streaming platforms at official YouTube channel ng label, kung saan ang music video nito ay nagtatampok ng mga eksena mula sa nasabing drama.
Ang Pamana ay binuo at ginawa ni Jonathan Manalo at inayos ni Tommy Katigbak.
Sa direksiyon nina Onat Diaz at Dolly Dulu, kasama rin sa Honor Thy Mother sina John Estrada, Khalil Ramos, Mercedes Cabral, Criza Taa, Tonton Gutierrez, RK Bagatsing, at iba pa.
Ang Honor Thy Mother ay isang kolaborasyon between ABS-CBN Studios and GMA Network, marks Cuneta's second project with Prime Video, following the 2024 hit drama Saving Grace.





Comments