‘Wag balewalain ang sentimyento ng mga health workers
- BULGAR
- Sep 16, 2021
- 3 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 16, 2021
Sa tindi ng batikos na inabot ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, Jr. mula sa mga netizens kaugnay sa panenermon nito sa mga medical health workers, tinutularan na rin niya ngayon ang kanyang ‘boss’ sa pagbabala na maaaring kasuhan ng Anti-Wiretapping Law ang sinumang nagkalat ng naturang viral video. Kuha sa video ang panenermon nito sa grupo ng mga health workers habang nasa pandemic meeting ang mga ito, kung saan naunang nakiusap ang mga doktor na huwag munang luwagan ang quarantine measure dahil maaaring pumalya ang health system sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ani ng Spokesperson, dapat kilalanin ang diskarte ng administrasyon kontra ng pandemya dahil pamimintas lang ang ginagawa ng mga ito.
Kung ganun, dapat pala purihin lang ang administrasyon — purihinin ang pangulo, purihin silang lahat, bakit wala ba silang kakulangan sa kasalukuyang krisis na ating nararanasan?
Nadala man ng emosyon, wala pa rin karapatang si Roque na manermon ng kahit sino, lalo na ang sa sektor ng mga doktor.
Dapat lang siyang makatikim ng matinding batikos mula kay Dr. Leni Jara ng Solidarity of Health Advocates and Personnel for a Unified Plan to Defeat COVID-19 (Shape Up).
Marahil ay hindi alam ng Spokesperson na araw-araw ay humaharap sa peligrong dulot ng COVID-19 ang mga ito, mula sa doktor, nurse at iba pang medical personnel.
Narasan ba niyang mag-duty sa mga ospital nang sampu hanggang 12-oras o higit pa? Karamihan sa ating mga ospital ay hindi mahulugang karayom ang bilang mga pasyente, na sa kabila nito ay sobrang kulang ang mga tauhan na nangangalaga sa mga pasyente.
Naranasan ba nitong humarap sa mga kamag-anak na desperado para sa kanilang pasyente?
Naranasan ba niyang makiusap at makipagbabaang-loob sa mga kababayan nating hindi makakuha ng kuwarto sa mga ospital? Malamang, hindi. Paniguradong higit na komportable ang tanggapan ng tagapagsalita ng pangulo, may masarap na pagkain at nakakauwi pa sa tahanan ng takdang oras.
Ang sentimyento ng mga doktor ay hindi dapat isinasawalambahala, karapatan nilang magsalita at maglabas ng sama ng loob. Higit sa ating lahat, malaki ang sakripisyo ng mga ito — hindi lamang isang paa ng mga ito ang nalalagay sa alanganin, kundi maging ang kaligtasan ng inuuwian nilang pamilya.
Hindi mataas na boses o panduduro ang dapat ginawa ng tagapagsalita ng pangulo, sana ay nakinig ito saka nakilahok sa maayos na diskurso — hindi porke galing ang kritiko ay magagalit agad.
Lahat tayo ay gustong makabalik na sa normal mula sa operasyon ng mga negosyo, pagbabalik-eskuwela at iba pa. Bawat manggagawa ay nais magpatuloy sa kanilang trabaho, kailangang kumita para may pantugon sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Sa kabila ng lahat ng hirap, may pakialam ba riyan ang COVID-19? Walang time-out sa nakamamatay na virus.
Hangga’t hindi pa nakakamit ang herd immunity sa pamamagitan ng bakuna, anuman ang bilang na meron nito sa ngayon, hindi magiging normal ang lahat — kahit ano pang pilit ang gawin ng gobyerno. Hindi pa magiging normal ang operasyon ng mga negosyo kung takot pa lumabas ang tao. Gayundin, alam naman nating kahit kumpleto na ng bakuna, hindi ito garantiya na hindi madadale ng sakit. Ang malaking posibilidad lang ay hindi seryoso ang magiging tama nito sa pasyente. Hindi pa tapos ang pandemya. May mga naglilitawan pang mga variants.
Sa panahon ngayon, hindi tayo dapat nag-aaway o nagsisisihan. Pakakaisa at malasakit sa kapwa ang dapat na umiiral sa bawat isa.





Comments