top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Wa’ ‘wenta ang matitipid sa Divisoria at Baclaran, kung magkaka-COVID-19 naman!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 30, 2020
  • 2 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 30, 2020



Huling araw na ng Nobyembre at bukas na ang pinakaaabangang buwan ng Disyembre at ilang tulog na lamang ay Pasko na kasunod ng pagpasok ng bagong taong 2021.


Napakalaki ng kinahaharap nating pagbabago ngayong Disyembre dahil sa ipinapatupad na panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) dahil nga sa banta ng COVID-19.


Nagkaroon na rin ng mga pagluluwag at unti-unti ay ibinabalik na ang pagbubukas ng mga establisimyento, maging ang biyahe sa buong Metro Manila kabilang na ang motorcycle taxi ay pinapayagan na.


Ngunit ang hindi nagbabago ay pagpapatupad ng health protocol sa buong bansa upang tuluyan nang bumaba ang kaso ng COVID-19 na kasalukuyan ay kitang-kita ang pagsisikap ng ating pamahalaan kung paano labanan ang pandemyang ito.


Isa sa mga nakakalungkot ay ang pagbabawal na sa mga Christmas party na matagal nang nakaugalian ng ating mga kababayan taun-taon, partikular ang mga estudyante at mga nagtatrabaho.


Hindi naman ito basta ipinagbawal ng IATF dahil nagkaroon ito ng mga pag-aaral at napatunayang isa ito sa maaaring pagmulan ng muling paglobo ng kaso ng COVID-19.


Maging ang pinakaaabangang simbang gabi ay may bahagyang pagbabago dahil sa limitado pa rin sa tatlumpong porsiyento ang maaari lamang dumalo sa mga naturang pagtitipon.


Dahil dito ay tiyak na maaapektuhan din ang mga kababayan nating taun-taong nagtitinda ng bibingka at puto bungbong sa harap ng mga simbahan dahil sa kabawasan ng mga nais kumumpleto ng panatang ito.


Kaakibat nito ay mababawasan din ang sigla at saya ng simbang gabi dahil sa pagtatalaga ng maraming magbabantay para sawayin ang mga kababayan nating nakakalimot sa pagsunod sa physical distancing.


Bawal na rin ang caroling dahil sa malaki umano ang pagkakataon na magkahawa-hawa ang mga grupo na kumakanta ng tabi-tabi habang nagsasagutan ang mga boses sa gitna nang pagtatanghal.


Malungkot na bahagi rin ito para sa mga bata na hindi na sila payagang mangaroling dahil sa maiipon nilang pera lamang sila nakakabili ng laruan o regalo para sa kanilang mga mahal sa buhay.


Sa puntong ito ay kailangang-kailangan ng pamahalaan ang tulong ng ating mga guro at magulang para ipaliwanag sa mga bata kung bakit hindi muna maaaring mangaroling.


Kailangang maipaliwanag sa kanila ng maayos ang tunay na dahilan kung bakit nagkaroon ng maraming pagbabago sa pagsalubong natin sa darating na Pasko.


Makabubuting limitahan na lamang muna natin sa piling ng ating mga kaanak ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at tiyaking sumusunod tayo sa health protocol.


Ang mahalaga sa panahong ito ay makaraos tayo ng ligtas at hindi na madagdagan pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang sa pagpasok ng bagong taon kung saan ay posibleng may bakuna na.


Isa pa sa pinakamatinding pagsubok na kinahaharap ng ating pamahalaan ay ang hindi mapigilang kaway ng Divisoria at Baclaran sa panig ng ating mga kababayan na hindi kayang palampasin ang Disyembre nang hindi namimili sa nabanggit na mga lugar.


Sa mga nais makatipid kaya nagtutungo sa Divisoria at Baclaran ay mas malaki ang posibilidad na mapalaki pa ang kanilang gastos sakaling mahawa sa COVID-19 dahil sa grabeng siksikan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page