Wa’ nang hiya-hiya, endgame na raw ang aktres… AIKO AT ONEMIG, UMUUTOT NA SA HARAP NG ISA'T ISA
- BULGAR

- 4 hours ago
- 5 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 1, 2026

Photo: IG @uno_111
“You're my life, you’re my end game,” ito ang huling sabi ni Onemig Bondoc kay Konsehala Aiko Melendez sa vlog na una niyang ini-upload.
Medyo naguluhan kami sa relasyon ng dalawa dahil sa vlog ay hindi pa sila opisyal na magdyowa, pero ang manager ng aktres na si Ogie Diaz ay sinabing ‘sila na.’ Ano ba ang totoo?
Kaya nang maka-chat namin si Ogie habang isinusulat namin ang balitang ito, tinanong namin kung ano ang totoo at nabanggit namin kung ‘for the views’ lang ba ang vlog ni Onemig na hindi pa sila, pero hindi kami sinagot ng manager ni Aiko.
Feeling namin ay late upload itong vlog ni Onemig dahil ang senaryo ay nasa resort pa sila, samantalang nu’ng ibinalita ni Ogie na ‘sila na’ ay kamakailan lang.
Anyway, ‘kaaliw naman ang love story nina Aiko at Onemig dahil bata pa lang sila ay pinagtagpo na dahil sa iisang condominium building sila nakatira sa Greenhills. Nabanggit din ng dating aktor na nagkikita sila sa swimming pool pero bata pa sila at hindi nga raw siya pinapansin ng konsehala.
Sabi ni Aiko, “We’ve been friends for 29 years, ‘di alam ng mga tao ‘yun. Lumalabas tayo, walang tsismis and everything.”
Apat daw sila laging lumalabas at one of the boys si Aiko dahil nag-iisa lang siyang babae, at ang dalawang lalaki ay parehong kaibigan ni Uno na sabi niya ay chaperon niya dahil hindi siya makapagsalita noon.
“May spokesperson ako kasi torpe ako,” saad ng single dad na ngayon.
Hirit ni Aiko, “Lagi kaming lumalabas pero walang nakakaalam kung ano ang feelings n’ya sa akin. It’s always Kenny (kaibigan ni Uno) who tells me. Kaya sabi ko, ‘Bakit may spokesperson, bakit kailangan ng ganu’n?’ Tapos, nawala na ‘yung communication namin.”
Paliwanag naman ni Onemig, “Dahil sa pride kaya nawala kasi isip ko kung sino ba ‘yung mga ex (boyfriends) n’ya kumpara sa akin. Kaya sabi ko, parang ‘di naman ako seseryosohin nito. Natakot din ako kasi I came at that time sa malungkot na relationship kaya natakot ulit akong masaktan. Feeling ko, sasaktan ako ulit ng babaeng ‘to kaya I decided to stop and not pursue her.”
Isa pang pangyayaring hindi raw niya makalimutan ay nang ihatid ni Uno si Aiko sa bahay nila at hindi niya nakilala ang mommy nitong si Gng. Elsie Gatchalian at nasipat lang siya sa bintana, pero mula noon hanggang ngayon ay hindi raw siya nakakalimutan nito.
“Strange, ‘noh?” tanong ni Uno kay Aiko na sinagot din nito ng “Oo.”
Anyway, marami raw pagkakapareho ang dalawa tulad ng pagtira nila noon sa iisang condominium building.
“We both stayed in Avalon but we didn’t see each other there,” saad ng konsehala.
Biro ni Uno, “Baka nagkita na tayo kasi bata pa tayo. I mean, bata pa pala ako nu’n, ikaw, may malisya ka na nu’n.”
Tiningnan nang diretso ni Aiko si Onemig, at sabi, “Hoy! Two years lang ang tanda ko. Wala, ha, nakakatawa ka. Hindi kita maalala, ‘wag kang feeling na feeling d’yan.”
Nabanggit din na ang mga freckles daw ni Aiko sa likod ang isa sa mga dahilan kung bakit na-in love nang husto si Uno.
Formally introduced daw sila sa The Buzz (TB) at doon sila unang nagkita na matanda na sila. Ang ikalawang pagkikita ay sa condo building kung saan nagkayayaang mag-inuman ang dalawa.
“Nakakatawa itong night na ‘to because nagkita na naman kami for the second time around. Sabi ko, inuman tayo, game, parang leave the past behind. So nag-inuman kami, we got drunk, tapos nu’ng pinaghiwalay na kami ng mga guwardiya at helpers, ‘di ko maalala na sumisigaw daw ako ng ‘I love you, I love you.’ Parang pelikula,” kuwento ni Aiko.
Singit ni Uno, “‘Di lang s’ya sumisigaw, umiiyak pa. Nag-inuman kami kasi pareho kaming problematic dahil galing kami sa breakup. Nu’ng pinaghihiwalay na kami, akala ng mga guwardiya, patay na kami sa sobrang kalasingan. Tapos sabi nga niya, ‘I love you, I love you,’ sinagot ko rin ng ‘I love you, too.’”
Nagkita pa raw ulit sila kasama ang mga kaibigan ni Onemig at napagkasunduang mag-triathlon sa Subic. Bumili pa nga si Aiko ng bike at iba pang gears, pero last minute ay nag-change of heart siya. Ito ‘yung sinabi ni Uno na hindi siya sinipot sa Subic at naghintay siya nang tatlong oras.
“Nagdalawang-isip ako kung s’ya ba talaga. Parang ‘di naman seryoso kaya ‘di ko s’ya sinipot sa Subic. I didn’t realize na naghintay ka ng tatlong oras. Bakit hindi mo ako tinawagan?” tanong ni Aiko.
“Hindi, kasi naniniwala ako sa faith at destiny,” kaswal na sagot ni Onemig.
Hindi na raw ulit nagkita ang dalawa sa loob ng 15 years, walang communication o anuman.
“All in all, 29 years kaming on and off bilang magkaibigan. Until one day, ‘yung best friend ko, we were thinking kung sino ang puwedeng i-guest on my YouTube (YT). On top of his mind was Onemig. Ayaw ko kasi, ano’ng pag-uusapan namin? Alam n’ya ‘yung story namin.
“Sabi n’ya, ‘Kumustahin mo.’ Sabi ko, ‘Baka may girlfriend ‘yan, ayaw ko, baka makagulo pa.’ Sabi sa akin, ‘I-text mo for guesting lang.’ Totoo naman, guesting lang, hello!” kuwento ni Aiko.
Dagdag pa niya, “Kasi dati, tumanggi s’ya noong mag-guest kaya ayaw ko na.”
Sabi ni Uno, kaya raw ayaw siyang i-guest ni Aiko noon ay dahil natatakot itong aminin na may feelings siya na hino-hold lang nila sa isa’t isa dahil sa pride. Kaya ang payo niya ay itigil na ang pride dahil baka umabot pa ulit ng 29 years at sayang ang panahon.
Noon ay pareho silang may karelasyon kaya ayaw niyang mag-guest, pero ngayong pareho na silang libre ay pumayag na siya.
Nabanggit din ni Aiko na hindi na siya mahihirapang kilalanin si Onemig dahil matagal na silang magkakilala at lahat ng past at kalokohan ay inamin na sa kanya, kaya wala nang taguan.
Ang nangyayari ngayon ay catching up sila sa mga panahong nawala sa kanila kaya lagi silang magkasama at ine-enjoy ang bawat isa.
“Yes, kaya tinatanong ninyo kung kami, we can’t give any label yet because we’re enjoying the 29 years that were lost. Kaya wala na kaming hiya-hiya, umuutot s’ya sa harapan ko, ako rin, umuutot sa harap n’ya,” pagtatapat ni Aiko.
“Now is the right time for us. Matanda na kami pareho kaya usapan namin, wala nang pride. Just enjoy the moment, just be happy,” sabi naman ni Uno.
Tanong ni Aiko Melendez, “Did I make you happy?”
“Of course. You’re my life. I don’t feel complete without her. For the first time, you’re my safe place,” madamdaming sabi ni Onemig Bondoc sa aktres-pulitiko.








Comments