Wa' datung, kung saan-saan tumatambay… JANE, NATULOG SA MRT NU'NG 'DI PA SIKAT
- BULGAR
- Aug 19, 2022
- 4 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | August 19, 2022

“Hindi alam ng ABS (CBN) ‘to, doon po ako natutulog sa dressing room, pinagdidikit-dikit na upuan. Doon po ako sa may make-up (area),” ito ang pag-amin ni Jane de Leon sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz para sa YouTube channel nito na in-upload nu'ng Miyerkules nang gabi.
Nagbalik-tanaw si Jane kung paano niya naitatawid ang gastusin niya noon sa araw-araw bilang miyembro ng Girltrends na maliit lang ang kinikita at hindi ito sapat kapag uuwi pa siya ng Laguna at babalik kinabukasan nang maaga para sa rehearsal bago sila sumalang sa It’s Showtime.
Nagulat ang kilalang talent manager at content creator sa rebelasyong ito ni Jane, pero mas marami pa siyang kuwento na hindi namin inakalang naranasan niyang lahat.
Pagpapatuloy pa ng aktres, “Minsan po, tumatambay kami sa convenience store, nagpapatay ng oras, idlip-idlip kami kung saan-saan kahit po sa taas ng MRT, sa gilid, umidlip po kami ni Mama doon.”
"Nakakaloka! So, ganu’n kahirap ang buhay mo nu’n?” tanong ni Ogie.
“Sobra po, iginapang po talaga namin. Nu’ng meron na po akong Halik (teleserye), nakakaipon na po konti. Si Kuya Tyrone (Escalante, manager niya), nakakapagbigay na rin siya sa akin ng mga raket, mga fiesta. Malaking bagay sa mga artista ‘yung ganu’n (sabay pakita ng poster ng show nila ni Joshua Garcia sa Bahrain).
“Nakapag-rent na rin po ako for the first time ng apartment. And kung sino po ‘yung mga taong tumutulong sa amin, ibinabalik po namin kasi alam po namin ‘yung pakiramdam,” saad ng aktres.
Aminadong hindi kaagad nabigyan ng role si Jane sa mga series o movies sa ABS-CBN noon.
“Bihira po sa artista na magkaroon kaagad ng opportunity. Ako po kasi, kayod po talaga ako, eh.
Nag-audition ako sa iba’t ibang lugar, iba’t ibang agencies,” sabi pa ni Jane.
Mas type niya ang paggawa ng commercial at modeling para maluwag ang oras at maipagpatuloy niya ang pag-aaral.
May kaya ang pamilya ni Jane noong bata pa sila ng kuya niya dahil may negosyo ang ama at naibibigay ang gusto nilang magkapatid. Sa private school sila nag-aaral, may sasakyan at hindi sila sumasala sa oras ng pagkain.
Pero sa isang iglap ay nawala lahat ng pinaghirapan ng ama nang maloko ito sa negosyo ng best friend niya na naging dahilan kaya na-depress ang tatay niya at hindi na rin ito nagtrabaho.
“Doo na po nagkaroon ng trust issues (si Papa) pati sa mga kaibigan namin. Kailangang makuha ang loob ni Papa, sobrang strict niya.
“Papa already passed away 6 years ago. Sayang nga, hindi po niya naabutan kung nasaan ako ngayon.
“Favorite po ni Papa ang donut. So, kung nabubuhay po siya, kahit isang buong branch ng donut (franchise), ibibigay ko sa kanya. Gusto kong ipa-experience sa kanya ang buhay na meron kami ni Mama ngayon.
“Unlike before, Mama Ogs (tawag kay Ogie), ‘yung hirap talaga namin na wala kaming makain, asin lang po talaga ang (ulam)…” nakangiti pero halatang pigil ang luha sa mga mata ng aktres.
"Asin? Bakit asin?" balik-tanong ni Ogie.
“Kasi po, walang-wala talaga kaming pera kasi 'di ba po, nawalan ng trabaho si Papa. Si Mama lang ‘yung nagtatrabaho sa amin, naging househusband po si Papa. ‘Yung suweldo ni Mama, hindi naman po enough sa amin.
“Minsan, ang kinakain (ulam) namin, asin. At kung alam n’yo po ba ‘yung toyong may mantika,” paliwanag ni Jane.
Dito na inamin ni Jane na ayaw na ayaw ng tatay niyang mag-artista siya dahil gastos lang daw.
“Number one basher ko ang tatay ko. Naunahan kayo (mga bashers) ng tatay ko! Ayaw niyang nag-aartista ako, mga VTR, kasi palabas daw lagi ang pera kasi walang bayad daw ang audition.
Puro na lang palabas ang pera, pamasahe na naman,” kuwento ni Jane.
Dumating pa sa point na kailangan nilang magtago ng nanay niya na hindi makitang aalis sila ng bahay, pero mabubuking din pagdating at mumurahin silang mag-ina.
Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Jane nang maalala niya ang kuwento ng buhay ng tatay niya noong kabataan nito na minaltrato ng stepmom at hindi pinapakain kaya kung buhay pa sana ngayon ang padre de pamilya nila ay gusto niyang iparanas ang lahat ng hindi nito natikman noong bata siya.
“Gusto kong bumawi sa kanya, sobra! Itina-try ko namang mag-move on. Hindi po ako umiiyak, Mama Ogs, kasi kailangan kong maging strong sa family ko. Kasi po kung lahat kami, mag-iiyakan, lahat kami, mahina, saan kami pupulutin?
“Sakitin pa si Mama kaya sabi ko kay Kuya na ibibigay namin kay Mama ‘yung mga hindi namin naibigay kay Papa.
“Nu’ng nawala si Papa, ako na po ang naging head of the family. Minsan, nakakalimutan ko na po ang sarili ko, napaka-selfless ko,” emosyonal nitong kuwento.
Tulad ng ama ay may trust issues din si Jane dahil sa mga napagdaanan niya sa buhay lalo na sa pagpasok nito sa showbiz.
May mga na-encounter daw siyang tao na ayaw sa kanya kaya nag-iingat na lang siya at ang importante ay nagpapakatotoo siya.
Aminado rin siyang marami siyang bashers at ang mensahe niya sa mga ito, sana ay mapanood muna ang Darna bago siya husgahan.
Samantala, inabangan ang pilot episode ng Darna at nakakuha ito ng mahigit sa 200,000 concurrent viewers sa Kapamilya online channel.




Comments