VP Leni at Mayor Isko, magta-tandem sa 2022?!
ni Ka Ambo - @Bistado | July 01, 2021
Umabot na ang sulfur dioxide sa NCR Plus na ibinubuga ng Bulkang Taal ng Batangas.
‘Yan ang “second wave”!
◘◘◘
GUMAWAK na nang todo ang biyak sa PDP-Laban.
Hindi na ito maiiwasan!
◘◘◘
MALINAW na kakandidato nang pangulo si Sen. Manny Pacquiao.
May karibal na si Mayor Sara sa hanay ng “orihinal na administration bet”!
◘◘◘
SA ngayon, diretso lang ang preparasyon ng mga maka-Duterte, ‘ere naman si Pacquiao, diretso lang din sa pagpaparamdam.
Lumalaki ang tsansa na sumabak na rin si VP Leni.
Ito ay dahil sa pagkakahati ng mga dating maka-Duterte!
◘◘◘
NAKITANG magkasama sina VP Leni at Mayor Isko.
Sila ba ang magta-tandem sa 2022?
Super-lakas niyan!
◘◘◘
PAPAYAG ba si Isko na pang bise-presidente lang?
No way!
◘◘◘
KUNG aastang “king maker” si VP Leni at susuportahan si Yorme—lalong lalakas ang oposisyon.
Kumbaga, tabla-tabla ‘yan!
◘◘◘
KUNG titigas ang ulo si Pacquiao at magpumilit na kumandidato, tatlo na ngayon ang malalakas na presidentiables.
Ito ay sina Mayor Sara, Pacquiao o sinuman kina Isko at Robredo!
◘◘◘
MAY nambubuyo naman kina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mag-tandem din.
Kapag sumali ang dalawa, royal rumble na ulit ang 2022!
◘◘◘
SAKALING sumporta na lang ang dalawang senador at kumandidato na lamang na bise ni Yorme si Lacson—lalong sobrang lalakas ang oposisyon.
Ibig sabihin, solidung-solido ang Moreno-Lacson.
Mahirap nang banggain ‘yan!
◘◘◘
SA kabilang panig, hindi malinaw kung sino ang ita-tandem ni Mayor Sara.
Hindi rin malinaw kung sino ang pa-partner kay Pacquiao.
Kapag naunang nabuo ang Moreno-Lacson, maaga silang makakabuo ng ticket!
◘◘◘
PERO, paano naman si ex-Speaker Alan Peter Cayetano?
Saaan siya susuling?
Puwede siyang makipag-deal kay Pacquiao at isanib ang kanyang BTS sa break-away faction ng PDP-Laban ni Pacquiao!
◘◘◘
PAREHONG dating maka-Duterte sina Pacquiao at Cayetano kaya’t iisang balahibo ito.
Malaking gawak sa Duterte group ang pagkawala nina Pacquiao at Cayetano!
◘◘◘
SA ganyan postura, lalong lalakas ang loob ng oposisyon kung saan, puwedeng mabuong bigla ang United Opposition gamit ang koalisyon.
Kung sakali, biglang hihina ang kampo ni P-Duterte na magmimistulang mauulit ang sinapit ng kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kahit nasa Malacañang, nabigong maipanalo nila ang kandidato nang administrasyon kontra kay ex-P-Noy!
◘◘◘
WALA kasing solidong Partido si Mayor Sara.
Taliwas dito, solido ang Liberal Party sa oposisyon.
Mahalaga ang istrukturang political sa lahat ng eleksiyon!





Comments