Viva Forever pasiklab sa Philracom Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 13, 2021
Ipinakita ni Viva Forever ang husay nito sa rematehan matapos manalo sa PHILRACOM Invitational Special Race Division II na pinakawalan sa Metro Manila Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, kahapon.
Lumabas na bugaw sa largahan si Viva Forever na nirendahan ni MB Pilapil, pinanood lang nito ang nagbabakbakan sa unahan na sina Kick The Gear, A.P. Factor at Skymarshal.
Papasok ng far turn ay nasa pang-apat na si Viva Forever at unti-unti na itong lumalapit kina A.P Factor, Skymarshal at Kick The Gear.
Nagliyab ang remate ni Viva Forever pagsungaw ng rekta, sa huling 100 metro ng laban ay nakipagdikdikan na ito kay Born To April bago tuluyang lumampas ang winning horse at tinawid ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat.
"Mahusay ang pagkakadala ni MB (Pilapil) saktong sakto ang pagparemate, umuusok ang remate ni Viva Forever," saad ni Jerry Costalles, karerista.
Inirehistro ni Viva Forever ang 1:26.4 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng horse owner na si WM Afan ang cash prize na inisponsoran ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Segundo si Born To April habang dumating na pangatlo at pang-apat na puwesto sina Kick The Gear at Happy Maggie ayon sa pagkakasunod.
Hindi naman nagpadaig sa husay si Magtotobetsky, nagpakitang gilas ito sa 2021 PHILRACOM "Local Challenge Stakes Race B" na nilarga sa pang-apat na karera.
Nagtala ng impresibong 1:38.6 minuto sa 1,600 meter race si Magtotobetsky na ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie B. Guce.
Nakopo ng may-ari ni Magtotobetsky ang P450,000 habang segundo si Blackburn na humamig ng P168, 750,00.





Comments