top of page
Search
  • BULGAR

Vietnam, sisikaping bawian ng Young Azkals sa AFF U-23

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 21, 2023



Laro ngayong Martes – Rayong Province Stadium, Thailand

9 p.m. Pilipinas vs. Vietnam


Ginto na, naging bato pa. Ito ang naramdaman ng Philippine Men’s Football Team matapos nilang sayangin ang kanilang lamang at tapusin sa masaklap na 2-2 tabla ang kanilang laban kontra Laos sa pagbubukas ng 2023 ASEAN Football Federation (AFF) Under-23 Championship Biyernes ng gabi sa Rayong Province Stadium.


Kahit napilitan na maglaro na may 10 tao lang matapos palabasin si defender Jaime Rosquillo sa ika-77 minuto, naagaw ng Young Azkals ang lamang sa ika-92 minuto ng idinagdag na oras matapos ang eksaktong pasa ni Yrick Gallantes kay Dennis Chung upang maging 2-1 subalit hindi nagtagal ang selebrasyon. Tatlong minuto lang ang lumipas ay ipinasok ni reserba Souphan Khambai On ang bola laban sa nakaluhod na si Enrico Mangaoang at pumito ang reperi upang wakasan ang laro.


Nakaunang goal ang mga Pinoy noong ika-23 minuto kung saan ibinato ni John Albert Lucero ang bola patungo sa ulo ng walang bantay na Selwyn Mamon na inulo ito papasok. Nakabawi si Mamon na naka-goal din noong ika-17 minuto subalit binawi ito ng reperi dahil nakitang offside ang mga Pinoy.


Pumantay ang iskor bago ang halftime salamat kay Laos kapitan Khamsa Nga Phimmasone sa ika-38 minuto. Pinatawan ng yellow card si Jacob Pena matapos yakapin sa baywang si Chanthavixay Khounthoumphone na kumuha ng free kick na nabitawan ni Mangaoang pero nandoon si Phimmasone para tapikin ito lampas sa linya.


Susubukan pa rin ng Young Azkals na makapasok sa semifinals sa pagharap nila sa defending champion Vietnam ngayong Martes simula 9:00 ng gabi sa parehong palaruan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page