Video na magkasama, kumalat, ‘di totoong hiwalay na, Sarah… BARBIE, STEPMOM ANG GALAWAN SA ANAK NI RICHARD NA SI KAI
- BULGAR

- Jul 27
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 27, 2025
Photo: Barbie Imperial - IG
Pinag-uusapan ng mga netizens sa isang entertainment online site ang uploaded video clip sa Tiktok ng isang netizen kung saan makikitang magkakasamang naglalakad sina Richard Gutierrez, Barbie Imperial at ang anak ng aktor sa estranged wife niyang si Sarah Lahbati na si Kai.
Sa video, parang nasa parking lot sila habang naglalakad. Nauuna sina Barbie at Kai kung saan nakaakbay pa ang aktres sa anak ni Richard.
Komento ng ibang netizens, hitsurang stepmom na ang galawan ni Barbie kay Kai at mukhang magkasundo naman ang dalawa.
Kasunod naman nilang naglalakad si Richard na may kausap na lalaki.
Matatandaang recently ay nag-trending na hiwalay na sina Richard at Barbie matapos kumalat online na may Vivamax starlet na diumano’y ex-GF ng Pambansang Marites na si Xian Gaza ang nakitang kasama ni Richard.
Dahil maganda at mukhang model ang girl, agad-agad nag-speculate ang mga netizens na ito na ang bagong GF ni Richard na ipinalit niya kay Barbie.
Walang nagsalita sinuman sa dalawang kampo nang pumutok ang isyung ‘yun.
Kaya naman sa pagkalat ng bagong video na magkasama sina Richard at Barbie, may mga natuwa na hindi pa naman daw pala totoong break na agad ang dalawa.
Kaya lang, kung may mga boto sa relasyong Richard-Barbie, may ilang haters din na mas pala-desisyon pa at pinakikialaman ang love life ng dalawa.
May mga nagsasabi na hindi sila bagay dahil parang tatay na raw ni Barbie si Richard.
May nag-comment din na mas deserve ni Barbie ang mas bata at single guy dahil ang bata naman niyang stepmom sa dalawang anak ni Richard.
Oh, ‘di ba? As if namang their opinions count para kay Richard.
Well, kung masaya sina Richard at Barbie together, let them be… let them be… ohhh, let
them beeee!
Napakanta na raw talaga kami, oh! Hahahaha!
OBVIOUSLY, may market ang Sparks Camp, ang first queer dating reality show sa bansa, kaya ngayon ay nasa Season 3 na ito.
Level-up ang kilig sa ikatlong season ng Sparks Camp sa pagsasama-sama ng 10 lalaki sa mga bundok para maghanap ng pag-ibig.
Nagsimula na itong mapanood nu’ng Hulyo 16 sa bago nitong tahanan sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
Bukod sa inaabangan na bagong grupo ng campers na maghahatid ng kilig, tampok din sa Sparks Camp Season 3 ang bago nitong lokasyon sa naggagandahang mga bundok at ang nakaka-LSS na theme song nitong Nahuhulog na kinanta ng dating The Voice Teens PH Season 1 finalist na si Chie.
Nagbabalik bilang host si ‘Mother Sparker’ Mela Habijan at ang direktor na si Theodore Boborol kung saan kilig overload ang hatid nila sa naturang programa dahil sasabak sa iba’t ibang masasayang dating games ang mga campers upang mahanap ang kani-kanilang ‘mutual spark.’
Matapos ipasilip sa social media ang sampung bagong campers, ngayon pa lang ay kani-kanyang komento na ang mga netizens sa pinupusuan nilang camper.
Kilalanin ang advertising executive na si Joer Reyes, content creator na si Edward
Maalihan, brand strategist na si Kim Bejerano, performing artist na si Harold Espiritu, piloto na si Andrew Rabin, podcaster na si Julian Agustin, flight attendant na si Khali Empleo, graduate student na si Aaron Aberasturi, professional wrestler na si Julio Dragon Silvestre, at marketer na si Ants Pedregosa.
Mga professionals ang campers ng Sparks Camp Season 3, kaya for sure, mas malawak din ang market nito this season.
Handog din ng bagong season ang mas pinakilig na aminan at rebelasyon ng mga campers dahil available sa buong mundo ang special director’s cut para sa Super Kapamilya members sa ABS-CBN Entertainment YouTube at kapag nag-subscribe sa iWant.
Magmula noong nag-premiere ang Sparks Camp, pumatok ito sa mga manonood sa Pilipinas pati na rin sa labas ng bansa kabilang ang USA, Canada, Middle East, at India dahil sa pagtampok nito ng iba’t ibang karanasan ng LGBTQIA+ community.
Nagtala rin ito ng pinagsama-samang mahigit pitong milyong digital views sa YouTube para sa Seasons 1 at 2 at nakasungkit din ang programa ng nominasyon para sa Best Original Reality and/or Competition Programme sa 2024 ContentAsia Awards.
Huwag palampasin ang nakakakilig na mga tagpuan sa Sparks Camp Season 3 na napapanood sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel, kung saan may bagong episode na ipapalabas kada Miyerkules.
Mapapanood naman ang special director’s cut sa ABS-CBN Entertainment kapag sumali bilang Super Kapamilya member o maaaring i-access ito sa iWant.










Comments