Video, kumalat... Grade 10, inabuso ng 3 menor-de-edad

ni Justine Berganio @Overseas News | September 23, 2026

Photo: Viral / Circulated
Timbog ang tatlong menor-de-edad matapos umanong harangin at abusuhin ang isang Grade 10 student na babae at bugbugin ang kanyang lalaking kaibigan sa Jamui, Bihar, India nitong Setyembre 19.
Parehong menor-de-edad ang dalawang biktima at magkaklase sa isang coaching institute. Nagpunta umano sila sa lugar para kumuha ng litrato matapos ang kanilang klase nang harangin ng grupo ng mga lalaki.
Kumalat online ang video ng insidente kung saan makikitang hinihila sa kuwelyo at sinasampal ang binatilyo habang ang dalagita ay hinarass. Sa isa pang footage, makikitang may lalaking nagbuhat sa babae habang tinatangkang umawat ng kanyang kaibigan.
Ayon sa pulisya, hindi agad iniulat ng mga biktima ang insidente. Nagsimula ang imbestigasyon matapos kumalat ang video at natunton ang dalawang estudyante gamit ang plaka ng sasakyang makikita sa footage.
Tatlong menor-de-edad na ang arestado, habang natukoy na rin ang dalawa pang posibleng sangkot. Isang special investigation team ang binuo para tugisin ang iba pang suspek.
Isinampa ang kaso sa ilalim ng Protection of Children from Sexual Offences Act (POCSO) at iba pang batas kaugnay ng assault at sapilitang paghuhubad. Sinisikap din ng pulisya na mapatigil ang pagkalat ng video at umaksyon laban sa 32 social media accounts na nag-upload nito.
Nagpaabot naman ng pagkondena ang National Commission for Women at Bihar State Women’s Commission at hiniling ang mabilis at patas na imbestigasyon, gayundin ang proteksyon sa pagkakakilanlan ng dalagitang biktima.
Samantala, umani ng batikos ang ilang pahayag ng mga opisyal na tila minamaliit ang insidente bilang “isolated” o “sporadic.” Iginiit naman ng mga ito na pananagutin ang lahat ng mapatutunayang sangkot.





Comments