ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 12, 2024
Dear Chief Acosta,
Binubugbog ng tatay ko ang nanay ko tuwing nag-aaway sila. Gusto sana ng nanay ko na magpa-check-up at makakuha ng medical certificate para magamit niya bilang ebidensya sa kasong kanyang isasampa laban sa aking tatay, ngunit, ayaw niyang lumiban sa trabaho dahil kailangan din namin ng pera para sa pang-araw-araw naming gastusin. Puwede ba siyang lumiban sa trabaho at makakuha pa rin ng kumpletong suweldo? — Leila
Dear Leila,
Ang mga babaeng empleyedo na biktima ng pang-aabuso sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9262 o mas kilala bilang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”, sa pribado at pampublikong tanggapan, ano man ang katayuan ng kanyang trabaho ay may karapatang mapakinabangan ang 10 days leave ayon sa Section 43 ng nasabing batas, kung saan nakasaad na:
“SECTION 43. Entitled to Leave. – Victims under this Act shall be entitled to take a paid leave of absence up to ten (10) days in addition to other paid leaves under the Labor Code and Civil Service Rules and Regulations, extendible when the necessity arises as specified in the protection order.
Any employer who shall prejudice the right of the person under this section shall be penalized in accordance with the provisions of the Labor Code and Civil Service Rules and Regulations. Likewise, an employer who shall prejudice any person for assisting a co-employee who is a victim under this Act shall likewise be liable for discrimination.”
Ayon dito, may 10 araw na leave ang isang empleyado na victim-survivor ng karahasan lalo na ang mga kababaihan at kanilang mga anak. Makakukuha pa rin ng kumpletong suweldo at allowance ang gagamit ng nasabing leave. Ito ay ginagamit para maasikaso ang pagpapagamot o iba pang mga legal na layunin.
Sa iyong sitwasyon, dahil ang iyong nanay ay dumaranas ng pang-aabuso mula sa iyong tatay, siya ay may karapatan sa sampung araw na bayad na leave upang kanyang maasikaso ang pagpapagamot at magawa niya ang iba pang mga legal na hakbang upang maipaglaban ang kanyang karapatan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments