Vice, kahit nagsori na sa sablay na joke… PRODU NG IT’S SHOWTIME, PINAGPAPALIWANAG NG MTRCB
- BULGAR

- 3 hours ago
- 4 min read
ni Rohn Romulo @Run Wild | July 29, 2026

Photo: IG _itsshowtimena
Nakatanggap kami ng e-mail mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kung saan ipinatawag ng ahensiya ang mga producers ng It’s Showtime (IS) dahil sa mga reklamo sa July 24, 2026 episode ng noontime show na may diumano’y inappropriate na eksena at racially insensitive at colorist na komento.
Pahayag nila, “Ayon sa notice to appear, nakatanggap ang ahensiya ng maraming ulat at reklamo mula sa mga concerned citizens tungkol sa episode at sa mga kilos at salita ng TV host at comedian na si Vice Ganda.
“Inutusan ng MTRCB ang GMA Network Inc. at ABS-CBN Corporation bilang respondents na dumalo sa isang hearing ng MTRCB Hearing and Adjudication Committee. Ang hearing ay gaganapin sa 29 Hulyo 2026, Miyerkules, 10:30 AM.
“Maaaring magpadala ng kinatawan o abogado ang mga respondents sa hearing. Bago o sa takdang araw ng hearing, dapat silang magpakita ng proof of authority na sila ang inatasang kinatawan ng mga respondents.”
Bahagi pa ng press release, “Ayon sa mga natanggap na ulat at reklamo at sa isang ulat ng Monitoring and Inspection Unit (MIU) ng Ahensya, ang tinutukoy na insidente ay ang Memerimar skit sa Laro Laro Pick segment ng nasabing noontime show.
“Inireklamo ng mga concerned citizens ang diumano’y racist at colorist na pahayag ni Vice Ganda at ang ‘lugaw’ scene nina Vice Ganda at Ion Perez.
“Bago matapos ang 25 Hulyo 2026 episode ng It’s Showtime, humingi ng tawad si Vice Ganda para sa mga biro na kanilang sinabi sa nakaraang episode.”
Ayon pa sa MTRCB, “Nais malaman ng Ahensya kung ang It’s Showtime ay tumupad sa provisions ng Section 3(c) ng Presidential Decree No. 1986 na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng TV programs na ‘contrary to law, good customs, public order, public morals, or are otherwise objectionable.’”
Dagdag pa ng ahensiyang pinamumunuan ni Chair Lala Sotto, “Itinuturing nilang waiver ng karapatan na maghain ng ebidensiya kung hindi dadalo ang mga respondents at ireresolba ng ahensiya ang isyu base sa mga records na kanilang hawak.”
Iba’t ibang komento at opinyon naman ang nabasa namin sa mga Facebook (FB) posts. Maraming nang-bash kay Vice Ganda at meron ding nagtatanggol.
Hindi rin naiwasan ng mga netizens na i-compare ang pangyayaring ito sa ilang episodes ng Eat… Bulaga! (EB!).
Well, abangan na lang natin ang magiging statement ng show tungkol dito.
Ipinagbunyi ng A’TIN ang worldwide fanbase ng SB19 dahil opisyal nang ipinahayag ng Department of Tourism (DOT) ang global P-Pop powerhouse bilang newest Tourism Ambassador ng Pilipinas, na para sa mga tagahanga ay long-overdue na.
Kinikilala ang P-Pop Kings hindi lamang bilang source ng national pride, ngunit bilang isa sa mga pinakamahuhusay na kinatawan ng kulturang Pilipino ng bansa.
Bago ang US at Japan tour leg ng grupo, nagpadala ang DOT sa sikat na boyband ng isang ‘Galingbayan’ box bilang send-off package, na naka-post sa opisyal nitong social platform, ang Tourism Philippines.
Kinilala ito ng SB19 na kinabibilangan nina Pablo, Josh, Ken, Justin at Stell sa kanilang mga social media account, at kinumpirma ang kanilang pagiging ambassador.
Bago ang announcement, nag-create ang DOT ng internet buzz noong Hulyo 23 matapos mag-post ng limang goat emojis sa mga social media platform nito, na karamihan ay tama ang naging hula tungkol sa bagong partnership.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Sec. Dita Angara-Mathay ang halagang hatid ng SB19 bilang mga kinatawan ng bansa.
“SB19’s talent is undeniable—their music is powerful, and so is their influence. They have the reach to connect with fans across the United States, Europe, ASEAN, and beyond,” pahayag niya.
At bilang Tourism Ambassador, makikipagtulungan ang SB19 sa DOT para hikayatin ang A'TIN sa buong mundo na bisitahin ang Pilipinas at maranasan ang kultura nito mismo, sa tag na #LoveThePhilippines.
Ayon pa kay Josh Cullen, “Matagal na po itong moment na ‘to na inaantay namin.”
Kilala ang SB19 sa personal na pag-conceptualize ng kanilang sariling mga music video at content, ang limang miyembro ay matagal nang hinabi ang Filipino heritage sa kanilang artistry, lalo na sa kantang GENTO, ang kanilang global breakout hit.
Saktung-sakto ang partnership na ito dahil patuloy na dinadala ng SB19 ang watawat ng Pilipinas sa mga makasaysayang global milestone.
Ngayong Hulyo 29, sila ang kauna-unahang grupong Pilipino na maghahagis ng ceremonial first pitch sa Major League Baseball, bago ang laban ng Chicago White Sox vs. New York Yankees.
Sa Hulyo 30, sila naman ang first Filipino act na magtatanghal sa Lollapalooza sa Grant Park, Chicago, isa sa pinakamalalaking music festivals sa mundo.
Sa pagsapit ng Agosto, aabot ang international reach ng grupo sa kanilang pagtatanghal sa Summer Sonic 2026 sa Osaka at Tokyo, Japan, kasama ang fellow Filipino artist na si Ena Mori at ang BINI, na kamakailan ay napili rin bilang Tourism Ambassador.
Pina-finalize pa ng DOT at SB19 ang mga detalye para sa mga events kung saan iso-showcase ang grupo sa mga darating na buwan, kaya abangan na lang ang announcements.
Congrats, P-Pop Kings!





Comments