Vice Ganda at Ogie Diaz, inirerekomendang ipanlaban kay Roque sa debate
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 09, 2021
‘PINAS, LUMABAS NA KAHIYA-HIYA SA MUNDO NANG UMATRAS SA DEBATE ANG PANGULO—Bilang pangulo, hindi dapat nagsasalita si P-Duterte nang hindi niya kayang panindigan tulad nang ginawa nitong paghahamon ng debate kay ret. Justice Antonio Carpio sa isyung pananakop ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Hindi lang kasi sa Pilipinas nabalita ang paghahamon ng debate ni P-Duterte, nabalita rin ito sa buong mundo.
Lumabas na naman kasing kahiya-hiya ang Pilipinas sa mundo, dahil ang pangulo ng Pilipinas na buong tapang na naghamon ay umatras nang kasahan ng dating mahistrado, boom!
◘◘◘
PINOY, HAGALPAKAN SA TAWA NANG UMATRAS SA DEBATE SI P-DUTERTE—Kahit nasa matinding krisis ang bansa dulot ng pandemyang COVID-19 ay napatawa ni P-Duterte ang sambayanang Pilipino.
Naghagalpakan ang mamamayan dahil matapos hamunin ni P-Duterte ng debate sa isyung West Philippine Sea (WPS) si Carpio at tanggapin ng dating mahistrado ang hamon ay umatras ang pangulo at ang sinabihan na lang na makipagdebate ay si Presidential spokesman Harry Roque, ha-ha-ha!
◘◘◘
NAGMISTULANG COMEDY SA PELIKULA ANG HAMONG DEBATE NI P-DUTERTE—Ang inakala ng publiko na seryoso ang hamon na debate ni P-Duterte, na tinanggap naman ni Carpio dahil seryoso ang usapin sa pananakop ng China sa West PH Sea ay nagmistulang pelikulang comedy na si social media.
Matapos kasing utusan ni P-Duterte si Roque na lang ang makipagdebate kay Carpio ay may mga netizens na nagsabi sa dating mahistrado na huwag patulan ang presidential spokesman, at sa halip, ang inirerekomendang ipanlaban sa debate kay Roque ay ang mga komedyanteng sina Vice Ganda at Ogie Diaz, he-he-he!
◘◘◘
SUMOBRA ANG YABANG NI ROQUE—Sumobra ang yabang ni Spox. Roque matapos na sabihan siya ng pangulo na siya na lang ang makipagdebate kay ret. Justice Carpio.
Buong kahambugan kasing sinabi ni Spox. Roque na kahit magtulong pa raw si ret. Justice Carpio at dating DFA Sec. Albert del Rosario ay kakasahan daw niya sa debate ang dalawang dating opisyal ng pamahalaan na nagpanalo sa Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng UNCLOS (United Nation Convention on the Law of the Sea) ng kaso laban sa China patungkol sa West PH Sea, boom!





Comments