top of page

VHONG, AMINADONG NABAWASAN ANG KABA NA OUT ANG MOVIE NINA VICE, COCO AT VIC SA MMFF

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 11, 2020
  • 2 min read

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | December 11, 2020




Inamin ni Vhong Navarro na nabawasan ang kaba niya ngayong wala ang mga higanteng entries sa Metro Manila Film Festival na sina Vice Ganda, Coco Martin at Vic Sotto.


Isa ang pelikula ni Vhong na Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim sa mga mapapalad na nakapasok sa MMFF 2020 at dalawa lang silang comedy sa festival this year (ang isa ay Pakboys Takusa) since walang entry sina Vice Ganda and Bossing Vic.


“Siyempre, nabawasan ‘yung kaba ko,” ani Vhong sa Zoom mediacon nang matanong kung ano ang pakiramdam niya na wala ang mga higante sa MMFF, “nawala ‘yung kaba nang konti. Kasi siyempre, iba ‘yung Vice, iba ‘yung Bossing, iba ‘yung Coco. 'Pag filmfest, every year ‘yan, nakikita mo sila. Talagang banggaan ‘yan sa takilya.”


Masaya raw siya na nakapasok ang Mang Kepweng, pero at the same time ay may kaunting lungkot dahil hindi nga ito ang nakagawiang MMFF taun-taon na sa sinehan manonood ang mga tao. This year kasi ay sa online lahat mapapanood ang mga entries.


“Hindi ‘yung ini-expect natin na filmfest. Ito ‘yung makabago. Na ang ie-enjoy na lang natin dito, kung paano tayo papasok doon sa makabagong paraan at kung paano mae-enjoy pa rin ng tao na para silang nanonood sa totoong sinehan,” sey niya.


Sa pelikula ay kasama sa cast ang dyowa ni Vice Ganda na si Ion Perez kaya nagpahayag na rin of course ng suporta ang Unkabogable Star sa movie nila.


“Sinabi niya na ‘Wala muna akong Metro Manila Film Festival ngayon pero naka-support ako ngayon kay Mang Kepweng,’” kuwento ni Vhong.


Mapapanood online ang Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim on Dec. 25 sa Upstream.ph. Kasama rin sa movie sina Jaclyn Jose, Barbie Imperial, Ritz Azul, Joross Gamboa, Fumiya Sankai, Yamyam Gucong at Ryan Bang, mula sa direksiyon ni Topel Lee. Ito’y mula sa Cineko Productions at Star Cinema.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page