top of page

Validity ng Philippine Passport

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 4, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 4, 2022



Dear Chief Acosta,


Nagbabalak kami ng asawa ko na mangibang-bansa, ngunit may limang taon nang paso ang passport namin. Kung mag-a-apply ba kami ng bagong passport, kasabay nang unang passport ng aming walong taong gulang na anak, ilang taon kaya iyon magiging balido? Baka kasi maudlot ang plano namin gawa ng pabagu-bago ang mga patakaran dulot ng pandemya. Ayaw namin masayang ang pera namin kung mabilis lang mapapaso ang passport. Sana ay mapayuhan ninyo ako. – Vhina



Dear Vhina,


Sa ilalim ng Section10 ng “Philippine Passport Act of 1996” o Republic Act No. 8239, ang ating Philippine passport ay mayroong bisa sa loob ng limang taon mula sa araw na maipagkaloob ito. Maaaring limitahan sa mas maiksi sa limang taon ang pasaporte kung kinakailangan bunsod ng pangkalahatang interes sa ekonomiya o kung mayroong malubhang isyung politikal sa bansa.


Gayunman, nais naming bigyang-diin na ang naturang probisyon ng batas ay

naamyendahan na sa bisa ng Republic Act No. 10928 na naaprubahan noong Agosto 2, 2017. Batay sa naturang batas:


“Section 1. Section 10 of Republic Act No. 8239, otherwise known as the "Philippine Passport Act of 1996” is hereby amended to read as follows:


SEC. 10. Validity - Regular passports issued under this Act shall be valid for a period of ten (10) years: Provided, however, That for individuals under eighteen (18) years of age, only a passport with five (5)-year validity shall be issued: Provided, further, That the issuing authority may limit the period of validity to less than ten (10) years, whenever in the national economic interest or political stability of the country such restriction is necessary: Provided, finally, That a new passport may be issued to replace one which validity has expired, the old passport being returned to the holder after cancellation.”


Kaugnay nito, ang pasaporte na maipagkakaloob sa inyo at ng inyong asawa, kung maging sapat ang inyong aplikasyon ay mayroong bisa ng sampung taon. Maaaring limitahan ang period of validity ng inyong pasaporte nang mas mababa sa sampung taon kung ipag-utos ito bunsod ng pangkalahatang interes sa ekonomiya o kung mayroong malubhang isyung politikal sa bansa. Para naman sa inyong anak na wala pa sa hustong gulang, ang pasaporte na maaaring ipagkaloob sa kanya ay may bisa na hindi hihigit sa limang taon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page