Valdez, kahit hindi makakalaro,"aangat pa rin ang team ko"
ni Gerard Arce @Sports | February 3, 2023

Kulang man sa kakayahang makapaglaro sa pagbubukas ng panibagong 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL), tiwala si three-time conference MVP at Creamline Cool Smashers team captain Alyssa Valdez na magagawa pa ring maka-angat ng koponan sa darating na All-Filipino Conference na nakatakdang magsimula sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi pa lubusang nakalalahok sa pagsasanay ang 29-anyos na multiple amateur at professional champion dahil sa patuloy na pagpapagaling sa kanyang kanang tuhod na natamo sa bronze medal match kontra Chery Tiggo Crossovers sa nagdaang 2022 Reinforced Conference.
“I think the expectations will always be higher,” wika ni Valdez, na minsang hindi nakalahok kasama ang Creamline sa impresibong laro sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup na ginanap sa bansa at ang ASEAN Grand Prix sa Thailand matapos tamaan ng dengue virus. “With this kind of pressure, I believe naman, ever since last year when I had dengue everyone stepped up, so I’m not really scared and I’m very much confident in this team na talagang magbibigay sila ng magandang laban this conference.”
Wala pang kasiguruhan sa pagbabalik sa laro ng three-time UAAP MVP galing Ateneo Lady Blue Eagles sa All-Filipino Conference dahil kailangan pa nitong magpagaling ng husto, na lubos naman ang pasasalamat na hindi dumaan sa operasyon.
“Honestly, sabi ng doctors and PT na I’ve been really recovering well so siyempre the timeline, the timetable is 'di rin siya sure. They want me to get back 100 percent na hindi rin nagmamadali,” saad ng San Juan, Batangas native. “So hopefully talaga, I’m really praying na I’ll see you guys on court this All-Filipino.”





Comments