Valdez-De Guzman tandem, solido, matibay ang kampihan sa PVL
- BULGAR
- Nov 1, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | November 1, 2022

Hindi kaila ang angking solidong pwersa ng back-to-back champions Creamline Cool Smashers dulot ng malalim na naipundar na samahan at matibay na pamumuno ng beteranong playmaker na si Jia Morado-De Guzman at team captain Alyssa Valdez kung kaya’t nananatiling walang talo ang koponan sa 4-0 kartada sa isinasagawang 2022 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Matatag na ang pagbubuklod na pinuhunan ng Cool Smashers kasunod ng tatlon taong pagsasama-sama, na siyang nagpapadali sa paggabay ni head coach Sherwin Meneses para isalpak ang sinumang manlalaro sa anumang oras para agarang magpakitang-gilas at makapaghatid ng puntos. “It took a lot of time for us to build this kind of trust between us players,” wika ni ace-setter na si Morado-De Guzman na naglalaro na sa Cool Smashers mula pa noong 2017.
Ito marahil ang nagagamit ng Cool Smashers sa mahusay na laro nitong nagdaang Huwebes kontra sa batang koponan ng Akari Chargers upang maiselyo ang panalo sa 23-25, 25-15, 25-16, 25-21 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagagamit ng maayos ang lahat ng ipinapasok sa laro, at hindi kinakikitaan ng anumang pagkabahala kahit na limitado lang ang bawat oras at puntos ng isa’t isa. Maging ang import na si Yeliz Basa ng Turkey ay alam ang nararapat na gawin at trabaho para sa koponan.
Humirit ito ng 18 puntos, katulong sina Celine Domingo at Jema Galanza na may 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang ang mga conference MVP’s na sina Valdez at back-to-back top-awardee na si Tots Carlos ay may naambag lamang na 4 at 7 puntos lamang.
Mga laro sa Huwebes (FilOil EcoOil Centre) 2:30 n.h. – Army-United Auctioneers vs Cignal HD Spikers; 5:30 n.h. – Choco Mucho Flying Titans vs Akari Chargers





Comments